Balita

Buhay at pakikibaka ng mga Martir ng Agosto ng Panay, ipinanawagang gunitain

Sa okasyon ng unang taong anibersaryo ng mga Martir ng Agosto ng Panay, nanawagan ang Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa Panay na gunitain ang kanilang buhay at pag-alabin ang kanilang alaala. Hinimok ng komiteng rehiyon ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa Panay na magsagawa ng iba’t ibang aktibidad bilang paggunita sa mga martir sa buong buwan ng Agosto, at itinakda ang Agosto 26 bilang Araw ng mga Martir ng Panay.

Ang mga Martir ng Agosto ng Panay ay kinabibilangan ng 11 mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Panay (Coronacion Waling-Waling Chiva Command) at mga lider at kadre ng Partido na namartir noong Agosto 2024. Sila ay sina Vicente Hinojales (Ka Hadjie), Concha Araneta-Bocala (Ka Minay), Rewilmar Torrato (Ka Minerva), Benjamin Cortel (Ka Amor), Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan), Aurelio Bosque (Ka Zarco), Jose Jerry Tacaisan (Ka Miller), Juvylene Silverio (Ka Porang), Armando Sabares (Ka Kamlon), Jielmor Gauranoc (Ka Tanggo), at John Paul Capio (Ka Ronron).

Sa kanyang pagkamatay ay tumatayong kagawad ng Komite Sentral at kalihim ng Komiteng Rehiyon Partido sa Panay si Ka Hadjie. Nanguna siya sa rehiyon ng Panay mula 2016, matapos na gumanap ng mahalagang bahagi sa komprehensibong paglago ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa Northeast Mindanao mula 2006 hanggang 2016.

Naging katuwang ni Ka Hadjie at ng buong komiteng rehiyon sa kanilang pamumuno si Ka Concha. Nagsimula siyang maging pultaym na kadre at organisador noong 1972. Maliban sa naging isa sa pangunahing upisyal ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Panay, itinalaga rin siyang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa negosasyong pangkapayapaan. Ipagdiriwang sa Agosto 26 ang kanyang ika-75 kaarawan.

Ang ibang mga nabuwal na kadre at mandirigma ay gumagampan ng kani-kanilang mga tungkulin sa antas rehiyon at larangan sa kanilang pagkamartir.

Kaugnay ng anibersaryo, inatasan ng komite ang lahat ng mga yunit ng Partido na magsagawa ng mga pulong talakayan ukol sa buhay ng mga martir, maglabas ng mga parangal-pahayag, kumatha ng mga tula, komposo, at iba pa. Nag-atas rin ito sa lahat ng yunit sa ilalim ng BHB-Panay na humanay at mag-alay ng tahimik na 21-gun salute. Hinimok nito ang mga alyadong organisasyon ng NDF sa rehiyon, mga kaibigan at taga-suporta ng rebolusyonaryong kilusan na magsagawa ng kaparehong mga aktibidad.

“Higit sa lahat, bigyang-buhay natin ang kanilang pagkamartir sa pamamagitan ng pag-anib sa armadong pakikibaka at pagsampa sa Bagong Hukbong Bayan. Ito ang pinakamataas na anyo ng paggunita sa mga Martir ng Agosto 2024 at sa mga nauna pang mga martir,” pahayag ng komiteng rehiyon.

Anang komite, mayroong kagyat na pangangailangan para sa daan-daang nakababata pang mga pwersa na papasan sa mga gawain ng pakikibakang masa at armadong pakikibaka sa kanayunan para agad na mabawi ang mga kapinsalaan at pag-atras na natamo sa nakaraang mga taon bunga ng panloob na mga pagkakamali, pagkukulang at kahinaan sa pamumuno ng Partido at muling sumulong lampas pa sa nakaraang naabot.

“Angkin ang hindi nasasaid na optimismo at sa patnubay ng Ikatlong Kilusan sa Pagwawasto, matatag ang paniniwala ng natitirang mga kadre, kumander at Pulang Hukbo na muling susulong ang armadong rebolusyon anuman kabigat ng mga sagabal na kakaharapin nito,” dagdag nito. Mahigpit din umanong pinanghahawakan nito ang mga leksyon sa kasaysayan para sumulong.

Bilang gabay sa pagsulong, naglatag ang komiteng rehiyon ng anim na puntong tungkulin na ibinatay nito sa itinakda ng Komite Sentral na mga gawaing dapat tutukan ng kagyat na pagsisikap. “Tungkulin ng bawat kadre at kasapi ng Partido ang ubos-lakas na pag-aambag…at sa pamamagitan din nito maisasakatuparan natin ang mga simulain ng ating mga Martir,” ayon sa komiteng rehiyon.

AB: Buhay at pakikibaka ng mga Martir ng Agosto ng Panay, ipinanawagang gunitain