Balita

Mga Martir ng Agosto ng Panay, biktima ng paglabag sa IHL

Isang taon makalipas ang pagkamatay ng mga Martir ng Agosto ng Panay na kinabibilangan ng 11 Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Panay (Coronacion Waling-Waling Chiva Command) at mga kadre at lider ng Partido, isiniwalat ng National Democratic Front (NDF)-Panay sa pinakabagong ulat ang tunay na pangyayari sa mga martir. Ayon sa NDF-Panay, 10 sa mga namartir ay nadakip, tinortyur at sadyang pinaslang ng militar na paglabag sa internasyunal na makataong batas (IHL o international humanitarian law).

Ayon sa NDF-Panay, nabuo ang ulat noong Mayo lamang nang makadugtong ang isang tim na higit siyam na buwang napahiwalay sa mayor na pwersa sa rehiyon. Ang naturang tim ay bahagi ng Regional Headquarters Unit (RHQU) na noo’y nagbibigay seguridad sa panrehiyong pamunuan ng Partido, kung saan nakabase ang mga Martir ng Agosto ng Panay.

Iniulat ng tim na sila ay nakadetats sa RHQU para gumampan ng gawain sa suplay nang naganap ang pag-atake ng berdugong militar. Mayor na obserbasyon nila sa pangyayari ang kakaunting palitan ng putok, taliwas sa iniulat ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong naganap na matindi at sunud-sunod na mga bakbakan noong Agosto 2024.

Ipinirmi ng NDF-Panay ang kanilang pagsusuri sa serye ng mga pangyayari batay sa mga ulat at impormasyon na kanilang nalikom. Anito, tanging isang mapagpasyang labanan lamang ang naganap sa pagitan ng mga sundalo at ng BHB-Panay, at nangyari ito noong Agosto 5, 2024 sa Barangay Aglonok, Calinog, Iloilo.

Sa naturang labanan namartir si Benjamin Cortel (Ka Amor) at posibleng dito nahuli ang siyam na iba pa kabilang sina Vicente Hinojales (Ka Hadjie), Concha Araneta-Bocala (Ka Minay), Rewilmar Torrato (Ka Minerva), Romulo Iturriaga Gangoso (Ka Reagan), Aurelio Bosque (Ka Zarco), Jose Jerry Tacaisan (Ka Miller), Juvylene Silverio (Ka Porang), Armando Sabares (Ka Kamlon), at Jielmor Gauranoc (Ka Tanggo). Nabuo ng NDF-Panay ang ganitong pagsusuri dahil ayon sa mga nakaligtas, wala nang kakayahang lumaban ang marami sa kanila dahil sa pisikal na mga limitasyon.

Matapos ang labanan noong Agosto 5, 2024, dito na iniulat ng AFP ang iba pang sunud-sunod na mga pekeng labanan noong Agosto 7, Agosto 8, Agosto 15 noong nakaraang taon. Sinasabing naganap ang mga labanang ito sa Barangay Aglonok, Calinog at Barangay Cabatangan, Lambunao.

Idiniin ng NDF-Panay na lubhang imposible ang mga engkwentro dahil sa layo ng mga lugar na ito (3-5 kilometro sa air distance) sa pinangyarihan ng unang engkwentro. “Mula sa kampo ng mga kasama sobrang layo ng distansya ng mga lugar na binanggit ng pasistang militar na pinangyarihan ng mga engkwentro kaya imposible na makarating pa sila sa mga lugar na ito kung pagbabatayan ang kanilang kalagayang pisikal,” pahayag ng grupo.

Kasunod nito, pinalabas na napaslang rin sa engkwentro sa Barangay Culyat, Valderrama sa Antique noong Agosto 24, 2024 si John Paul Capio (Ka Ronron). Ayon sa ulat ng NDF-Panay, si Ka Ronron ay myembro ng hedkwarters na nakaligtas noong Agosto 5, 2024 ngunit nasabat ng militar habang bumabyahe sa haywey sa Bugasong, Antique at kalaunan ay sadyang pinaslang.

Sa panahon ng sunud-sunod na pekeng engkwentro, tusong nagsagawa ng pang-iistraping at aerial bombing ang militar para palabasing mayroong tunay na mga labanan.

“Ang pamamaslang sa mga hors de combat at mga prisoners of war ang naging standing policy/order mula sa rehimen ni Rodrigo Duterte at masigasig na ipinatupad ng AFP/NTF-Elcac at patuloy ipinapatupad ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr,” ayon sa NDF-Panay.

Sa harap nito, ipinahayag ng grupo na dapat singilin at panagutin sa kanilang mga krimen sa digma ang mga tropa at upisyal ng AFP sa ilalim ng 3rd ID at 301st Bde, Philippine Army lalo na sina Maj. Gen. Marion Sison na 3rd ID Commanding General, Brig. Gen. Michael Samson na 301st IBde Commander, Lt. Col. Vicel Jan Garsuta na 12th IB Commander, Lt. Col. Clifford Catubigan na 82nd IB Commander at Lt. Col. Arturo Balgos na 61st IB Commander. Naniniwala ang NDF-Panay na ang mga yunit at upisyal na ito ng AFP ang may pangunahin at direktang pananagutan sa pamamaslang sa mga hors de combat na mga kasapi ng BHB.

Samantala, hinimok ng NDF-Panay ang mga pamilya at kaanak ng mga Martir ng Agosto ng Panay na maghabla ng kaso sa kinauukulang mga korte para papanagutin ang mga sangkot. Nanawagan rin ang NDF-Panay sa mga grupo sa karapatang-tao na magsagawa ng independyenteng imbestigasyon sa kaso para higit pang masiwalat ang imporasyong nakapalibot sa masaker.

Kaugnay ng isang taong anibersaryo ng pagkamatay ng mga Martir ng Agosto ng Panay, nanawagan ang Komiteng Rehiyon ng Partido sa Panay ng pag-alaala sa kanila ngayong Agosto. Itinakda ng komite bilang Araw ng mga Martir ng Panay ang Agosto 26.

AB: Mga Martir ng Agosto ng Panay, biktima ng paglabag sa IHL