Chad Booc, kinilala bilang bayani ng kalikasan

,

Ginawaran ng Center for Environmental Concerns (CEC) bilang “Most Distinguished Awardee” si Chad Booc sa inilunsad nitong 7th Gawad Bayani ng Kalikasan noong Disyembre 28. Pinili ng CEC si Booc dahil sa kanyang walang patid na pagtatanggol sa karapatan ng mga Lumad sa kanilang lupang ninuno at sa kalikasan laban sa mga mapaminsalang mina.

Ikinalugod ng pamilyang Booc ang pagkilalang ito ng CEC.

Si Booc ay kilala ring boluntaryong guro at isa sa nagtayo ng Save Our Schools Network, na nagtataguyod sa karapatan ng kabataang Lumad sa edukasyon. Pinaslang si Booc ng mga sundalo sa ilalim ng 10th ID noong Pebrero 24 kasama ang apat na iba pa sa New Bataan, Davao de Oro.

“Nilisan niya ang kaligtasan sa aming bayang mapagkalinga at mapagmahal upang pagsilbihan ang mga Lumad at ang kanilang mga pakikibaka para sa sariling pagpapasya at para bigyang proteksyon ang kanilang lupang ninuno mula sa mga kumpanya ng mina,” sabi ng kanyang kapatid na si Jenna sa isang video.

Kasama sa mga binigyan ng pagkilala sina Vertudez “Daisy” Macapanpan, Kelvin Rodolfo at Daniel Jason Maches. Ginawaran din ang mga organisasyong pangkalikasan tulad ng Indigenous Peasants in Defense of Land and Life (TUMANDUK), Masungi Georeserve Foundation at Samahan ng mga Mangingisda at Mamamayan sa Latian ng Bulakan.

AB: Chad Booc, kinilala bilang bayani ng kalikasan