Balita

Daan-daang residente ng Marawi, muling nagtipon bilang pakikiisa sa Palestine

,

Daan-daang residente ng Marawi City ang naglunsad ng “solidarity run” sa Marawi City noong Marso 27 bilang pakikiisa sa mamamayang Palestino matapos unilateral na ibinasura ng Israel ang tigil-putukan at muling binomba ang Gaza.

Nagsimula ang aktibidad bandang alas-9 ng gabi, pagkatapos ng Taraweh prayers. Nagkaroon ng maiksing programa sa Rizal Park na tinaguriang “Ground Zero.” Unang inilabas ang panawagan ng MeRunNow Runners Community sa aktibidad sa iba’t ibang akawnt sa Tiktok at Instagram.

Nagsama-sama ang mga runner, aktibista at tagasuporta para iparating ang kanilang mensahe ng pakikiisa at paglaban. Sa pangunguna ng mga nakapaang runner, ipinaalingawngaw nila ang panawagang “Free Palestine” at “From the river to the sea, Palestine will be free” sa dating masiglang komunidad.

Hanggang ngayon, hindi pa nababalikan ng mga taga-Marawi ang Ground Zero. Nakatayo pa sa lugar na ito ang mga gusaling binomba ng dating rehimen ni Rodrigo Duterte, na hindi nalalayo sa imahe ng mga tinupok na gusali sa Gaza. Tinawag nila itong “nakagigimbal na alala ng magkatulad na pagdurusa ng mamamayan ng Palestine at mga residente ng Marawi.”

“Tulad ng sa Gaza at West Bank, dumanas ng matinding pinsala ang Marawi dahil sa gera–napalayas ang mamamayan nito, napulbos ang mga bahay, at nahirapang bumangon ang komunidad,” ayon sa isa sa mga nag-organisa ng aktibidad.

Anila, naiintindihan ng mamamayan ng Marawi ang pagdurusa ng mamamayang Palestino sa “personal na antas.” Ang pagtakbo nang nakapaa sa syudad na winasak ng gera ay simbolo ng kanilang pakikibahagi (share) sa pagdurusa ng mamamayang Palestino.

Ayon sa Palestine Ministry of Health, aabot na sa 900 ang pinatay sa pambobomba ng Zionistang estado ng Israel mula noong Marso 18. Tinataya nitong mahigit na sa 61,000 ang Palestinong napatay sa walang-awat na pambobombang ito mula Oktubre 2023.

AB: Daan-daang residente ng Marawi, muling nagtipon bilang pakikiisa sa Palestine