Balita

Dating bilanggong pulitikal at kasama, dinukot ng mga pwersa ng estado sa Capiz

,

Iniulat ng Panay Alliance Karapatan ang pagdukot kay Cirila Estrada, isang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magbubukid at dating bilanggong pulitikal, at kanyang kasama noong Agosto 29 nang alas-7 ng umaga sa bayan ng Pan-ay, Capiz. Hindi pa natutunton ang kanilang kinaroroonan hanggang sa kasalukuyan.

Si Estrada ay inaresto at inikulong na ng estado noong 2010 at binimbin ng dalawang taon sa kulungan. Ibinasura ang kaso laban sa kanya noong Abril 2012.

Ayon sa grupo, dinukot ang dalawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philipine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG). Labis itong nababahala para sa kaligtasan ng nawawala. Ito ay dahil ang nagdaang mga operasyon ng AFP at PNP-CIDG sa rehiyon ay kinatampukan ng malulubhang paglabag sa karapatang-tao.

“Kabilang na dito ang mga kaso ng pagtatanim ng mga [pekeng] ebidensya para bigyang katwiran ang ekstrahudisyal na pagpaslang at arbitraryong pag-aresto,” pahayag nito.

“Iginigiit namin na ilitaw ng pulis at militar ang mga detenido para matiyak ang kanilang ligal na mga karapatan,” ayon pa sa grupo.

Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 173 ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Panay sa ilalim ng rehimeng Marcos.

AB: Dating bilanggong pulitikal at kasama, dinukot ng mga pwersa ng estado sa Capiz