Hors de combat na Pulang mandirigma sa Negros, sadyang pinaslang ng 62nd IB
Isang Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang nadakip at sadyang pinasladng ng mga sundalo ng 62nd IB noong Mayo 1 sa Barangay Humay-humay, Guihulngan City, Negros Oriental. Samantala, isa pang sugatang Pulang mandirigma ang dinakip at hindi pa inililitaw ng mga sundalo.
Ang pinaslang na Pulang mandirigma na si Tony Pahayahay (Ka Pidol), 62 anyos, ay nasugatan sa engkwentro ng BHB at 62nd IB sa Sityo Lupo noong umaga ng Mayo 1. Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, nadakip si Ka Pidol sa Sityo Tubod, isang kilometro na ang layo mula sa pinangyarihan ng labanan.
Iniulat rin ni Ka JB na isa pang sugatan na Pulang mandirigma ng BHB-Central Negros ang dinakip ng mga sundalo. “Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakikita,” aniya.
“Kinukundena ng BHB-Central Negros ang ganitong mga aksyon ng 62nd IB na paglabag sa mga batas ng digma at internasyunal na makataong batas,” pahayag ni Ka JB. Nanawagan siyang kaagad na ilitaw ang dinakip na Pulang mandirigma.
Samantala, pinasinungalingan ng tagapagsalita ang pahayag ng mga upisyal ng 62nd IB na mayroong nasamsam na mga armas sa Pulang hukbo. Aniya, walang naiwan na mga armas ang BHB sa naganap na engkwentro liban sa ilang personal na mga kagamitan.
Inilinaw rin ni Ka JB na isang beses lamang ang naganap na labanan sa pagitan ng hukbong bayan at 62nd IB sa araw na iyon. Aniya, ang tatlo pang ibang engkwentro na sinasabi ng 62nd IB ay pawang mis-engkwentro sa hanay nito dahil sa pagbubuhos ng labis-labis na pwersang militar at sa takot na maunahan ng kanilang kalaban ay nasagupa ang sariling pwersa.
Kinundena rin ni Ka JB ang iba pang pasistang krimen ng 62nd IB sa Barangay Humay-humay at katabing mga komunidad. Nagpaulan ng bala ang mga sundalo, nagpataw ng karpyu at nagtayo ng mga tsekpoynt ang sa mga barangay ng Bulado, Tacpao, Binobohan, Humay-humay, Planas at Imelda sa Guihulngan City.
Nanawagan si Ka JB sa mamamayan ng Central Negros, laluna sa mga apektadong barangay sa Guihulngan City, na huwag magpadala sa takot at manindigan para sa kanilang karapatang-tao.