Balita

Ika-10 anibersaryo ng pagpaslang kay Jennifer Laude, ginunita

,

Inilunsad ng mga grupo ng kabataan ang mga protesta at aktibidad kahapon, Oktubre 11, bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagpaslang ng sundalong Amerikano sa transwoman na si Jennifer Laude. Nagkaroon ng aktibidad sa University of the Philippines (UP)-Diliman, sa tapat ng Technological University of the Philippines (TUP) at UP Mindanao.

Si Laude ay pinaslang ng US Marine na si Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City noong Oktubre 11, 2014. Kalahok noon si Pemberton sa isang war game sa pagitan ng Pilipinas at US. Nasa Pilipinas siya sa bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Kahit nahatulan si Pemberton sa pinababang kaso na “homicide,” hindi siya nakulong sa Pilipinas o naipailalim man lamang sa kustodiya ng gubyerno ng Pilipinas. Ito ay dahil alinsunod sa VFA, ang US ang pangunahing awtoridad na magtatakda sa kanyang pagkakabilanggo, kahit pa nahatulan siya ng korteng Pilipino. Mas malala, noong 2020, ginawaran siya ng noo’y rehimeng Duterte ng “absolute pardon.” Malaya siyang nakabalik at naninirahan ngayon sa US.

Bahagi ng paggunita ang pagpapalabas sa UP Diliman ang “Call Her Ganda” ni PJ Raval, isang dokumentaryo tungkol sa karumal-dumal na sinapit ni Laude sa kamay ni Pemberton. Matapos ang palabas, nagsagawa ng protesta mula sa Plaridel Hall patungong Oblation Plaza sa UP Diliman ang mga manonood. Sama-sama sila nagsindi at nagtirik ng kandila sa pangunguna ng UP Cinema at League of Filipino Students.

Sa TUP-Manila, nagkasa ng kilos-protesta ang mga pambansa-demokratikong grupo sa harap ng kampus. Kabilang dito ang Youth for Justice and Peace (Y4JP). “Patuloy nating gunitain at palakasin ang tinig ng mga inabuso at hinaras na mga kapatid nating transgender sa bansa at lahat ng mga biktima ng imperyalismong US,” pahayag naman ng Kabataan Partylist-Metro Manila, isa sa mga lumahok sa pagkilos.

Sa UP Mindanao, naglunsad ng programa ang mga organisasyon kasama ang konseho ng mga mag-aaral sa kampus. Nagsindi rin sila ng kandila bilang panawagan para sa hustisya.

Ayon sa LFS, isang dekada na ang nakalipas ngunit nananatiling mailap ang hustisya para kay Laude at sa kanyang pamilya. “Bilang transwoman, nakakagalit na kayang burahin sa limot ang malagim na hate crime kay Jennifer Laude dahil lang ang gumawa ng krimen ay isang Amerikanong sundalo,” pahayag ni Elle Buntag, upisyal ng LFS.

Pagyurak umano ito sa soberanya ng Pilipinas at nangangahulugan na malaya ang mga pwersa ng US na gawin ang pinakamalalang krimen sa mga Pilipino at hindi sila mapananagot dahil sa VFA. “Nakakabahala ito lalo na at mas marami pang ‘Pemberton’ sa bansa ngayon sa ilalim ni Marcos Jr,” ayon pa kay Buntag. Pinatutungkulan niya ang dagdag na mga base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at dumadalas na mga war games nito sa bansa.

Sa harap nito, mahalaga umanong ipagpatuloy ang laban para sa hustisya. “Ang hustisya para kay Jennifer ay hindi lang pagpanagot kay Pemberton, kundi pagpapabasura sa VFA at iba pang kasunduan na nagpapapasok ng mas marami pang halimaw katulad niya dito sa ating bansa,” pagtatapos ni Buntag.

Naglabas rin ng mensahe ng paggunita ang pambansa-demorkatikong grupo ng LGBT+ na Bahaghari. Ayon sa tagapangulo ng grupo na si Reyna Valmores, “hanggang ang Pilipinas ay neokolonya ng US…hanggang ang mga lider tulad ni Marcos ay tumatangging tumindig para sa ganap na soberanong Pilipinas, tayong lahat ay si Jennifer Laude!”

AB: Ika-10 anibersaryo ng pagpaslang kay Jennifer Laude, ginunita