Balita

Ika-25 anibersaryo ng PLGA, ipinagdiwang ng rebolusyonaryong kilusan ng India

,

Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang rebolusyonaryong kilusan ng India para ipagdiwang ang ika-25 anibersaryo ng People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA), armadong bisig ng Communist Party of India (Maoist). Itinakda ang Linggo ng Pagdiriwang mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 8.

Ayon sa CPI (Maoist), ang mga aktibidad at pagtitipon na isinagawa ng mga sangay nito, mga yunit ng PLGA at rebolusyonaryong masa ay hindi katulad sa nakaraan. Inilunsad ito nang may mahigpit na pag-iingat at pagpaprayoridad sa seguridad dahil sa pinatinding atake ng reaksyunaryong estado ng India laban sa rebolusyonaryong kilusan at masa, sa balangkas ng Operation Kagar.

Sa kagubatan, kapatagan, at sentrong urban, isinagawa ang mga pulong ng grupo at maliliit na pagtitipon. Nagpaskil at namahagi ang mga rebolusyonaryo ng mga poster at polyeto para ipanawagan ang pagpapalakas at pagsali sa PLGA.

Sa loob ng 25 taon ay nakapagpunyagi ang PLGA sa pagsusulong ng digmang bayan para maipagtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon ayon sa Partido. Mula nang itinatag ang armadong pwersa noong Disyembre 2, 2000, binigo nito ang paulit-ulit na tangka ng naghaharing reaksyunaryong estado ng India na wakasan at durugin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan.

Gayunman, matapat na inilahad ng CPI (Maoist) na sa nagdaang halos dalawang taon ay dumanas ng matitinding pagkatalo ang Partido, ang PLGA at buong rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa pamunuan ng Partido, bunga ito ng panloob na mga kahinaan, kabiguang ipatupad ang mga plano ng Komite Sentral at pinatinding atake ng estado na Operation Kagar mula pa Enero 2024.

Sa ulat ng Sentral na Komisyon sa Militar ng CPI (Maoist), isa sa mga pagkakamali sa paglulunsad ng digmang bayan ang hindi pag-atras ng ilang tropa ng PLGA mula sa rehiyong Dandakaranya tungo sa ibang rehiyon. Nasa Dandakaranya ang Abujhmaad (o Maad), isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh, na naging episentro ng Operation Kagar.

Sa kasagasagan ng matinding atake ng reaksyunaryong estado mula Disyembre 2024 hanggang Nobyembre ngayong taon, hindi bababa sa 320 mga rebolusyonaryo ang namartir, kung saan 117 ay kababaihan. Hindi bababa sa 237 sa mga namartir ay mga myembro ng Partido. Walo sa kanila ay antas ng Komite Sentral, 15 ang mula sa antas Komite ng Estado, 25 ang antas distrito, at 73 ang antas Komite sa Erya.

Sa harap ng mga ito, magiting na lumaban ang Partido, PLGA at rebolusyonaryong masa. Sa mga labanan sa Dandakaranya, sa Bihar at Jharkhand, sa East Bihar at North East Jharkhand, sa Odisha, at sa MMC, umabot sa 116 ang napatay ng PLGA na pwersa ng pulis at sundalo. Hindi naman bababa sa 208 ang nasugatang pwersa ng reaskyunaryong estado. Pangunahing gumamit ng mga pampasabog ang PLGA sa mga operasyon nito.

Para makabawi mula sa mga pagkatalo at makasulong, nanawagan ang CPI (Maois) na iwasto ang mga pagkakamali sa praktika sa nagdaang 22 buwan. “Iwasto natin ang mga ito. Wasto nating ipatupad ang mga estratehiyang binuo ng Komite Sentral at Kawanihan sa Pulitika,” ayon sa Sentral na Komisyon sa Militar.

Nagpahayag ng determinasyon ang pamunuan ng CPI (Maoist) na tuluy-tuloy na pamunuan ang PLGA at ang rebolusyonaryong kilusan nang may mahigpit na kapasyahan at hindi mapapantayang tapang. Anito, ang pagdiriwang sa anibersaryo ng PLGA ay bahagi ng determinasyong sumulong.

AB: Ika-25 anibersaryo ng PLGA, ipinagdiwang ng rebolusyonaryong kilusan ng India