Ika-57 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang sa martsa sa Maynila
Mahigit 100 myembro ng mga rebolusyonaryong grupong alyado ng National Democratic Front ang nagmartsa noong Disyembre 21 ng umaga sa kahabaan ng Avenida sa Maynila. Itinanghal dito ang ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na ipagdiriwang sa Disyembre 26.
Kabilang sa mga grupong lumahok sa protesta ang Kabataang Makabayan, Artista at Manunulat ng Sambayanan, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, Revolutionary Council of Trade Unions, Makabayang Kawaning Pilipino at Compatriots. Mayroon bitbit na mga plakard at bandila ng kanya-kanyang grupo ang mga nagmartsa.
Nanawagan sila sa publiko na lumahok sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan bilang paraan para wakasan ang korapsyon at bulok na estado. Hinikayat nila ang mga Pilipino na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ialay ang lakas sa pagpupundar ng gubyerno ng mamamayan sa kanayunan.
Matapang na nailunsad ang pagkilos sa kabila ng presensya ng pulis sa lugar. Walang nagawa ang mga pulis kundi kumuha ng mga larawan at pahintulutang matapos ang programa.
Ang rali ay bahagi ng serye ng mga aktibidad ng mga rebolusyonaryong organisasyon nitong Disyembre. Ang pangkalahatang pagsisikap ng mga rebolusyonaryong grupo na magpalakas ay bahagi ng inilulunsad na kilusang pagwawasto ng rebolusyonaryong kilusan mula pa Disyembre 2023.