Ilitaw ang dalawang nawawalang aktibista sa Cebu, giit ng pamilya

Nagpiket kaninang umaga ang mga kapamilya at kaibigan ng dalawang aktibistang sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa Police Regional Office ng Central Visayas (PRO-7) sa Cebu para igiit ang kagyat na paglilitaw sa dalawa. Hinihinala ng mga progresibong grupo na dinukot sila ng mga ahente ng estado matapos paulit-ulit na naging biktima sila ng pagmamanmanan, pananakot, harasment at walang-tigil na red-tagging sa nagdaang dalawang taon.

Sa ulat ng Karapatan-Central Visayas, huling nakontak ang dalawa noon pang Enero 10 at ikatlong araw na ngayon na hindi matunton ang kanilang kinaroroonan. Naputol na ang komunikasyon sa kanila. Nanggaling ang dalawa sa pagbisita sa kanilang mga kaanak.

Batay sa ulat ng pamilya, si Gumanao at Dahoya ay nakontak pa noong umaga ng Enero 10 nang dumaong ang barkong sinasakyan nila sa Cebu City mula sa Cagayan de Oro. Matapos noon ay hindi na matunton ang dalawa.

Si Gumanao ay koordineytor ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) para sa Rehiyon 7 habang si Dayoha naman ay boluntir para sa balangay ng Alliance of Health Workers (AHW) sa Cebu. Ang dalawa ay pawang mga gradweyt ng University of the Philippines-Cebu.

Ayon sa Karapatan-Central Visayas, ilang buwan nang iniulat ng dalawa ang tuluy-tuloy na pagmamanman sa kanila ng mga ahente ng estado sa nagdaang mga buwan. Anila, binibiktima ng panggigpit at harasment ang dalawa dahil sa kanilang gawain bilang mga manggagawang pangkaunlaran, tagapagtaguyod ng karapatang-tao at aktibista.

Ito ang mga dahilan kung bakit umano nagpahayag ng “lubhang pag-aalala” ang mga kaanak at pamilya nila Gumanao at Dahoya.

Naglabas na rin ng panawagan ang University of the Philippines-Cebu na ilitaw ang dalawa. Dapat umanong kagyat na ilitaw ang dalawa para makapagpatuloy sa palilingkod at pagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan at kaunlaran.

Paliwanag ng Karapatan-Central Visayas, “hindi na bago sa mga administrasyon…na ang mga aktibo sa mga organisayon nakikipaglaban para sa lupa, makatarungang sahod, trabaho, edukasyon at karapatan ay iwinawala.”

Kinundena rin ni House of Representatives Deputy Minority leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro ang pagkawala ng dalawa. “Naniniwala kami na ang pagkadesparesido ng dalawa ay bahagi ng nagpapatuloy na atake ng estado laban sa mga unyonista at karapatan sa pag-uunyon. Iginigiit namin na ilitaw sila ng mga pwersa ng estado,” pahayag ni Rep. Castro.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, ang balangkas umano ng saplitang pagwala at pagdukot sa mga aktibista ay mistulang isang “déjà vu ng mga krimeng naganap sa ilalim…ng madilim na panahon ng batas militar.” Giit niya, kabaha-bahala ang ganitong mga usapin.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos II, hindi bababa sa 26 na ang biktima ng pagdukot. Kabilang sa mga ito sina Elgene Mungcal ng grupong Gabriela at Ma. Elena “Cha” Cortez Pampoza ng Anakpawis na dinukot ng pinaghihinalaang pwersa ng militar sa Moncada, Tarlac noong Hulyo 3 at hanggang ngayon ay hindi pa rin inililitaw.

Patuloy ang paggigiit ng Karapatan-Central Visayas, mga kaanak at kaibigan nina Gumanao at Dayoha na kagyat silang ilitaw at pakawalan.

Ayon sa ama ni Gumanao sa isang panayam ng midya, “Kung naa sila’y gustong isampa na kaso sa ilaha, kung tan-aw nila naa sila’y violations, dad-on nilas korte. Naa man tay balaod. Naa man ta’y rule of law nga ginasunod…mao na among panawagan isip ginikanan, nga hinaot naa sa luwas na kahimtang ang among mga anak, ug ipa-surface gyud sila kay wala’y rason nga magka interes sila sa kinabuhi sa duha ka bata.”

(Kung mayroon mang gustong isampang kaso sa kanila, kung nakikita nilang mayroong paglabag, dalhin nila sa korte. Mayroon man tayong mga batas. May rule of law tayong sinusunod….yan ang aming panawgan bilang mga magulang, na sana ay nasa ligtas na kalagayan ang aming mga anak, at ilitaw sila dahil walang rason na pag-interesan ang buhay ng dalawa.)

AB: Ilitaw ang dalawang nawawalang aktibista sa Cebu, giit ng pamilya