Kabataan, mga demokratikong grupo, lumabas sa lansangan laban sa dayaan

,

Libu-libong tao, karamihan kabataan, ang nagtungo sa lansangan simula pa kahapon, Mayo 10, para tutulan at itakwil ang maanomalya at palpak na botohan na sa panimulang pagbibilangan ay nagpapakita na pinangungunahan ni Ferdinand Marcos Jr. sa pagkapangulo, at Sara Duterte sa pagkabise-presidente. Iginiit nila na dinaya ang eleksyong nagpapalabas na “landslide” ang tambalang Marcos-Duterte kontra sa mga lider ng oposisyong pampulitika na sina Leni Robredo at Kiko Pangilinan.

“Mabibigo sina Marcos at Duterte. Lalo lamang hindi matatahimik at magagalit ang bayan sa iskema ni Marcos at Duterte na dayain ang eleksyon,” ayon sa pahayag ng Anakbayan.

Sa panimulang ulat, umabot sa 300 kabataan ang unang nagtipon at nagmartsa tungo sa upisina ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila. Kinastigo nila ang ahensya sa naging mga aberya sa eleksyon tulad ng pagkasira ng libu-libong mga vote counting machine o VCM, harap-harapng pagbili ng boto, presensya ng pulis at militar at iba pang mga anomalya na posibleng nagbigay-daan para dayain ang eleksyong 2022. Kinundena rin nila ang pinal na desisyon ng Comelec na ibasura ang mga kaso ng diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr.

Matapos ang protesta sa Comelec, nagmartsa ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio at doon nagtayo ng isang kampuhan. Isinasagawa dito ang mga talakayan, workshop, mga pangkuluturang programa at iba pang porma ng pampulitikang pakikiisa ng mga dumadalo. Balak nilang magtagal sa lugar hanggang Mayo 13 kung kailan nakatakdang ipunin ni Leni Robredo ang kanyang mga tagasuporta sa isang pagtitipon ng pasasalamat. Gaganapin ang pagtitipon na ito sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City.

Dagdag sa mga anomalya kaugnay ng mga VCM, kinundena ng mga kabataan ang lantarang pag-atake at panggigipit ng estado sa mga kandidato ng oposisyon at progresibong mga partylist.

Bago sa araw ng botohan at sa mismong araw nito, umarangkada ang fake news at black propaganda laban sa mga partido sa ilalim ng blokeng Makabayan. Ipinalaganap ng pinakamasusugid na kalaban nila ang kasinungalingang “disqualified” o tanggal na sa listahan ng mga iboboto ang limang progresibong partido. Ginamit pa ng mga nagpakalat nito ang simbolo ng Comelec at pirma ng mga komisyuner nito, bagay na itinanggi na mismo ng Comelec. Kumbinsido ang mga partido at kanilang mga tagasuporta na ikinalat ang fake news mismo ng pwersa ng NTF-ELCAC, PNP, at AFP na nakapaligid sa mga presinto.

Para sa grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma), may pananagutan si Rodrigo Duterte sa umano’y “pagkapanalo” ni Marcos Jr. dahil sa paglumpo at pag-atake ni Duterte sa mga kritikal sa kanyang tiraniya. Kabilang dito ang pagpapasara sa ABS-CBN, pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga aktibista at mamamahayag, at pagpapahintulot na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang yumaong diktador na si Marcos Sr.

Nangako ang mga myembro ng grupo na mahigpit nilang lalabanan ang banta ng pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang. “Ang posibleng pagkapanalo na nakatuntong sa lantarang kasinungalingan, pagbali sa kasaysayan, at maramihang panlilinlang ay katumbas na ng pandaraya para manalo,” ayon sa Carmma. “At hindi ito katanggap-tanggap.”

Mula sa mga beterano ng paglaban sa diktadurang Marcos hanggang sa mga kabataan, pareho silang nangako na magpapatuloy na biguin ang pananaig ng mga Marcos at Duterte sa poder.

“Sa ngalan ng alaala ng lahat ng mga nagbuwis ng buhay laban sa diktadurang Marcos at milyong nagsumikap laban sa mga Marcos, nangangako kaming ipagpapatuloy ang laban para sa hustisya, mabuting pamamahala at demokrasya. Hindi pa tapos ang laban,” dagdag ng Carmma.

Bukod sa rali sa Maynila, nagkaroon din ng mga pagkilos ang kabataan at mamamayan sa mga syudad ng Tacloban at Cebu at sa mga sentrong bayan ng Isabela at Nueva Ecija. Mahigit 2,000 nagmartsa sa Negros at 2,000 din sa Naga City.

AB: Kabataan, mga demokratikong grupo, lumabas sa lansangan laban sa dayaan