Kaltas-pondo ng rehimeng Marcos sa programang pangkaligtasan ng DOST, binatikos
Tinatayang 44% ng panukalang badyet ng Dynaslope Project (Dynaslope) ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ang kinaltas ng Kongreso at Senado sa isinumite nitong bersyon ng badyet para sa 2025 kay Ferdinand Marcos Jr. Mula sa ₱45.55 milyong badyet ngayong 2024, tanging ₱25.52 milyon lamang ang planong ilaan dito para sa 2025.
“Isinasapanganib ng malaking kaltas na ito ang mga komunidad na mayroong mataas na posibilidad ng pagguho ng lupa at magreresulta ito sa maramihang tanggalan ng mga syentista, mananaliksik at tauhan,” pahayag ng Advocates of Science and Technology for the People (Agham). Anang grupo, lubhang taliwas ito sa mga ipinahayag ng rehimeng Marcos na palalakasin nito ang pagtugon ng gubyerno sa panahon ng sakuna.
Mula 2008, ang Dynaslope ay nagbibigay ng “community-based early warning system” sa pagguho ng lupa. Sa kasalukuyan, mayroon itong binabantayan na 52 lugar sa 24 na mga prubinsya na nakatutulong sa mga komunidad na may mataas na panganib sa pagguho ng lupa. Nakapagpaunlad ang proyekto ng mga hazard map, risk assessment, at iba pang sistema ng pagbabantay sa pagguho ng lupa katuwang ang mga lokal na gubyerno at mga komunidad.
“Sa harap ng mas mataas na posibilidad ng sakuna at lumulubhang krisis sa klima, bigo ang gubyerno na unahin ang kaligtasan ng mamamayan,” ayon sa Agham. Matingkad umanong ipinakikita nito ang maling prayoridad ng gubyerno laluna sa harap ng magkakasunod na mga bagyong humagupit sa bansa sa nagdaang mga buwan.
“Malaking bahagi ng badyet na kinaltas sa PhilVolcs at iba pang mga ahensya na nagbibigay ng mahalagang serbisyong panlipunan…ay napunta sa mga piniling proyektong imprastruktura ng mga mambabatas, na nakapailalim sa pondong pork barrel,” pahayag pa ng Agham.
Noong Disyembre 21, nagsumite ng petisyon ang mga kawani ng Dynaslope Project sa Office of the President. Laman nito ang kanilang panawagan na ibalik ang kinaltas na pondo para sa proyekto at pangalagaan ang mga kawani. Tinatayang sangkatlo ng lakas-tauhan ng proyekto ang matatanggal kung hindi ibabalik ang ibinawas na badyet.
Kasama ng mga kawani sa pagsusumite ng petisyon ang Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees).