Balita

Karaban-protesta, inilunsad para sa buwan ng mga guro

,

Naglunsad ng karaban-protesta at iba pang mga aktibidad ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), mga organisasyon sa ilalim nito, at mga guro sa pagbubukas ng Buwan ng mga Guro noong Setyembre 5. Inihapag nila dito ang matagal nang panawagan at kahingian ng mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon.

Sa Bacolod City, nagkaraban ang mga guro sa syudad sa pangunguna ng Bacolod City Public School Teachers Federation. Dinaluhan ito ng mga guro at tagasuporta nila mula sa iba’t ibang paaralan. Matapos ang karaban, inilunsad nila ang isang pulong para paghandaan ang mas malaki pang pagkilos sa Araw ng mga Guro sa Oktubre 5.

Samantala, nagkaroon ng pagtitipon ang mga guro sa kada eskwelahan sa ilalim ng ACT NCR Union sa Metro Manila. Sa ilang paaralan ay nagkaroon ng salu-salo.

Sa pambansang upisina ng ACT-Philippines, isinagawa ng mga guro ang pulong balitaan kung saan inilatag nila ang 5-puntong hinaing at kahingian ng mga guro sa rehimeng Marcos.

Una, dapat magkaroon ng makabuluhang dagdag sweldo para sa sektor. Binatikos nila ang napakabarat na dagdag-sweldo ni Marcos sa mga guro at kawani ng gubyerno sa bisa ng Executive Order (EO) 64 kung saan ₱25-₱50/araw lamang ang umento. Anila, malaking insulto ito sa mga guro laluna at nangako ang rehimeng Marcos na dodoblehin ang arawang alawans ng kasundaluhan na papatak sa ₱350 kada araw para sa 2025.

Giit nila ang ₱50,000 buwanang sweldo para sa mga entry-level na guro, ₱33,000 para sa Salary Grade 1 na empleyado; Salary Grade 16 o ₱41,616 para sa mga nasa kategoryang Instructor 1; at pantay na sahod sa publiko at pribadong eskwelahan.

Pangalawa, dapat doblehin ang badyet ng edukasyon. Ayon sa ACT, dapat tupdin ng gubyerno ang pamantayan ng United Nations na hindi bababa sa 6% ng gross domestic product ng bansa ang ilalaang pondo para sa edukasyon.

“Ang mga guro at estudyante ang kaswalti sa nagpapatuloy na kapabayaan ng estado, kung saan ang badyet sa edukasyon ay nasa kaawa-awang kalahati lamang ng inirekomenda ng UN,” pahayag ni Vladimer Quetua, ACT Chairperson. Kaugnay nito, kinakailangan magtayo ng karagdagang 250,000 klasrum at mag-empleyo ng dagdag na 50,000 mga guro.

Pangatlo, dapat ibasura ang MATATAG kurikulum. Ayon sa grupo, walang ibang naidudulot ang kurikulum na ito kundi sobra-sobrang trabaho at pahirap sa mga guro. Ibinalangkas ng kurikulum ang mas maiksing oras ng pagtuturo sa kada paksa na nagpabigat sa trabaho ng mga guro.

Pang-apat, ibigay na ang pondo para sa mga benepisyo ng mga guro. Partikular nilang tinukoy ang pagbibigay ng kabayaran sa obertaym, special hardship allowance, pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance mula ₱2,000 tungong ₱5,000, 15 araw na sick leave, pagreporma sa GSIS at iba pa.

Ikalima, wakasan ang mga atake sa mga guro, unyonismo at mga eskwelahan. “Ang aming mga unyon at kinatawan sa kongreso ay parehong tuluy-tuloy na inaatake,” ayon kay Quetua. Kabilang umano sa mga pag-atakeng ito ang Red-tagging, hindi makatarungang paghatol na maysala kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Talaingod 13, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso at pagdukot sa kanilang mga organisador at unyonista, paglabag sa kalayaang pang-akademiko at marami pang paglabag sa karapatang-tao ng estado sa sektor.

Inaasahang maglulunsad ng iba’t ibang mga aktibidad at pagkilos ang ACT sa darating pang mga araw hanggang sa Araw ng mga Guro sa Oktubre 5.

AB: Karaban-protesta, inilunsad para sa buwan ng mga guro