Presidential pork barrel ni Marcos, ipinatatanggal sa 2025 badyet
Sa tabing ng “parliamentary courtesy,” iniratsada ng Kongreso ang badyet para sa upisina ni Ferdinand Marcos Jr nang walang pinayagang magkwestyon dito. Mabilis na tinapos ng House Committee on Appropriations noong Setyembre 9 ang deliberasyon sa loob lamang ng 20 minuto.
Tanging ang mga kinatawan ng Makabayan na sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party, Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party at Rep. Raoul Manuel ng Kabataang Partylist ang tumututol sa pagratsadang ito. Anila, ipinamalas ng mga myembro ng komite ang kanilang “double standard” sa pagpapalusot sa badyet ng presidente, habang pinayagan ng mga ito ang pagkwestyon sa badyet ng upisina ng bise presidente na si Sara Duterte noong Agosto. Sa nakaraang dalawang taon, tanging sila lamang ang tumututol sa kalakaran ng minimal na talakayan sa mga badyet kapwa ng pangulo at pangalawang pangulo.
Ipinaalala pa ni Rep. Manuel na sinabi mismo ng Marcos Jr na lahat ng mga ahensya ay dumadaan sa pagkilatis ng Kongreso noong kinukwestyon pa ni Duterte kung bakit di siya binigyan ng “parliamentary courtesy.” (Hindi sinipot ni Duterte ang pangalawang pagdinig kaugnay sa badyet ng kanyang upisina noong Setyembre 10.)
Pinaalala naman ni Rep. Castro na mandato ng Kongreso ang busisiin ang badyet ng lahat ng ahensya ng gubyerno at na dapat walang eksempsyon dito. “Kahit upisina pa ng presidente yan,” aniya.
Isa pang nais itanong ng mga kinatawan ng Makabayan ang ₱4.56 bilyong confidential at intelligence funds (CIF) na hiningi ng Marcos. Nais itong ipatanggal ng mga mambabatas sa harap ng tumitinding mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng pamunuan ni Marcos.
Sa kabuuan, humihingi si Marcos ng ₱10.506 bilyon para sa kanyang upisina, ilang beses na mas mataas sa hinihinging ₱2 bilyon ng kanyang bise presidente na si Duterte.
Isa pang nais busisiin ng mga mambabatas ng Makabayan ang ₱158.665 bilyong “unprogrammed funds” na nakapaloob sa panukalang badyet. Ang pondong ito ay walang nakalistang partikular na mga programa at proyekto at nakapailalim sa upisina ng pangulo. Sa gayon, maituturing itong discretionary fund o pork barrel ng pangulo dahil pwede niya itong gamitin saanman at anuman niyang naisin.
Isa pang gustong ilahad ng Makabayan sa komite ang biglang paglaki ng “unprogrammed funds” ng presidente sa badyet nitong taon, na tumalon mula sa ₱281.908 bilyon sa isinumiteng panukala sa Kongreso tungong ₱731.448 bilyon sa pinal na General Appropriations Act. Anila, ang hawak ngayon ng presidente na unprogrammed funds ay 99.74% na mas malaki sa unang hiningi at ipinasa nito sa Kongreso. Kumpara sa 2023, mas malaki ito nang 160%.
Sa araw ng deliberasyon, nagprotesta ang mga pambansa-demokratikong grupo sa harap ng Kongreso para ipanawagan ang pagtatanggal ng mga discretionary funds at CIF ni Marcos, na pareho nilang tinawag na presidential pork barrel, sa pambansang badyet. Sa halip, dapat ilaan ang pondong ito sa mga serbisyong sosyal na kailangang-kailangan ng mamamayang Pilipino.