Kilusang tutol sa confidential funds ng gubyerno, binuo

,

Nagtipun-tipon ang iba’t ibang grupo at personahe mula sa iba’t ibang sektor kahapon, Oktubre 25, sa University of the Philippines (UP)-Diliman para buuin ang #AbolishConfidentialFunds Network. Ang network ay magbubuklod sa mga pagsisikap na itulak ang pagtatanggal ng confidential at intelligence funds (CIF) sa pambansang badyet sa 2024, upang ilaan ito sa serbisyong panlipunan.

Sa panukalang pambansang badyet sa 2024, ₱10.14 bilyon ang nakalaan para sa confidential at intelligence fund (CIF) para sa mga upisina ng presidente, bise presidente at iba’t ibang ahensya. Sa panukalang ito, nakalagay ang alokasyon na ₱5.277 bilyon para sa “intelligence” o “gastusing paniktik” at ₱4.864 bilyon bilang “confidential expenses” o “mga lihim na gastusin.” Mas mataas ito nang ₱120 milyon kumpara sa CIF ngayong taon at 957% na mas malaki kumpara sa CIF noong 2001.

Hindi na bago ang CIF. Sa ilalim ng rehimeng Gloria Arroyo noong 2001, ₱959.5 milyon ang kabuuang CIF. Todong lumobo ito sa panahon ni Rodrigo Duterte, na mula 2016 ay nilaanan ng ₱1.7 bilyon, at lumobo tungong ₱6.8 bilyon noong 2017.

Nakiisa sa pagbubuo ng network ang mga grupong Bagong Alyansang Makabayan, 1Sambayan, Bunyog-Pagkakaisa, Movement for Good Governance and Genuine Democracy at iba pa. Nagtalumpati ang mga kinatawan sa kongreso ng ACT Teachers Partylist at Gabriela Women’s Party na nanguna sa pagtuligsa sa CIF sa mga pagdinig sa pambansang badyet.

Sa manipesto ng pagkakaisa na pinirmahan ng mga organisasyon, ipinahayag nila ang pagtutol sa “lihim na paggamit ng pondo ng bayan.” Anito, ang ganitong tipo ng pork barrel funds na lump sum at discretionary ay ginagamit sa kwestyunableng layunin at paraan.

Kabilang sa pinuna ng network ang lantarang pangungurakot ng kasalukuyang rehimen sa pondo noong 2022 nang inilipat nito ang ₱221.4 milyon mula sa “contingency fund” ni Marcos tungo sa upisina ni bise presidente Duterte. Sa halagang ito, ₱125 milyon ang inilaan para sa “confidential funds” ng bise presidente, na batay sa mga dokumento, ay nagasta sa loob lamang ng 11 araw.

Giit nito, dapat buwagin ng mga mambabatas ang lahat ng tipo ng confidential funds sa baydet ng 2024. Dapat din umanong papanagutin ang mga upisyal ng gubyerno, mula lokal hanggang pambansa, na naglustay at nag-abuso sa kanilang mga CIF at iba pang katulad na pondo.

“Lalabanan namin ang sistematikong pagwawaldas at pandarambong sa kaban ng bayan laluna sa pinakamataas na antas ng pamamahala,” ayon pa sa manipesto. Iginiit nila na ang pondong CIF ay dapat ilaan na lamang sa sektor ng kalusugan, edukasyon, pabahay, at serbisyong panlipunan.

AB: Kilusang tutol sa confidential funds ng gubyerno, binuo