Balita

Krimen sa digma: 100 patay sa pambobomba ng US-Israel sa eskwelahang ginagamit bilang evacuation center sa Gaza

, ,

Binomba ng Zionistang Israel ang isang eskwelahan (al-Tabin sa Daraj) nagsisilbing evacuation center sa Gaza City kahapon, Agosto 10, na pumatay sa 100 katao at nagresulta sa pagkasugat ng ilampung iba pa. Ayon sa Gaza Government Media Office, tatlong bomba ang ibinagsak sa naturang eskwelahan na nagresulta sa kahindik-hindik na krimen. Kabilang sa mga namatay ay mga bata at kababaihan na sa panahon na iyon ay nakatipon para sa kanilang pang-umagang pagdarasal.

Ayon sa mga ulat, tatlong 2,000-librang bomba na inihulog sa eskwelahan. Ang mga bombang ito ay ibinigay ng US para ipagpatuloy ng Israel ang henosidyo nito sa Gaza. Binibigyan-katwiran pa ng US-Israel ang masaker sa pagsasabing ang eskwelahan ay isang “sentro ng kumand” at nagsisilbing “hideout” ng mga pwersa ng Hamas kaya nila ito binomba. Ito ay sa kabila na alam na alam ng US-Israel na iyon ay sentro ng mga bakwit sa lugar.

Ayon sa ulat ng mga mamamahayag na nasa lugar, hindi maisagawa ng mga Palestino ang pagsagip sa mga naipit sa nagliliyab na mga gusali dahil pinutol ng mga pasistang sundalong Israeli ang tubig sa lugar.

Ang eskwelahang al-Tabin ang panglima nang eskwelahan na binomba ng US-Israel nitong Agosto lamang. Noong Agosto 1, binomba nito ang Dalal al_Maghrabi sa Shujayea kung saan 15 ang napatay at 29 ang nasugatan; ang Hamama at al-Huda sa Sheik Rawan noong Agosto 3 kung saan 17 ang napatay at 60 ang nasugatan; Nassr at Hasan Salamen sa Nassr noong Agosto 4 kung saan 30 ang patay at 19 ang nasugatan at Abdul Fattah at az-Zahrasa Tuffah kung saan 17 ang patay at marami ang nasugatan.

Mga eskwelahan na binomba ng US-Israel nitong Agosto
Petsa Lugar Patay Sugatan
Agosto 1 Dalal al_Maghrabi 15 29
Agosto 3 Hamama and al-Huda in Sheik Rawan 17 60
Agosto 4 Nassr and Hasan Salamen in Nassr 30 19
Agosto 4 Abdul Fattah and az-Zahrasa Tuffah 17 “marami”

Ang mga pambobombang ito ay kasuklam-suklam na mga krimen sa digma na hayagan at walang pakundangang isinasagawa ng Israel sa kabila ng malawakan at mariing pagkukundena ng halos buong mundo. Ito ay dahil sa walang sawang pagsuporta at pagpondo ang US at kapwa nitong mga imperyalistang bansa sa henosidyo.

Tulad sa nakaraan, kinundena ng maraming bansa at mamamayan ang seryeng ito ng pagmamasaker sa Gaza. Kabilang dito ang Qatar at Egypt, na kasalukuyang namamagitan sa usapan para buuin ang isang tigil-putukan, sa Gaza.

AB: Krimen sa digma: 100 patay sa pambobomba ng US-Israel sa eskwelahang ginagamit bilang evacuation center sa Gaza