Lider-unyonista ng mga kawani sa MMDA, ginigipit

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa panggigipit at pagsasampa ng kaso laban sa pangalawang pangulo ng Courage at lider unyonista ng mga kawani ng MMDA na si Theresa Gonzales. Ginigipit si Gonzales kasunod ng pagrereklamo niya sa naantalang mga insentiba at kabayaran para sa mga kawani.

Kamakailan, nagpaskil sa social media si Gonzales ng panawagang ibigay na ng pamunuan ng MMDA ang Special Recognition Incentive (SRI) at Gratuity Pay ng mga kawani na ipinaglaban at naipagwagi noong Disyembre 2023. Naghain din siya ng kahingian sa Malacañang na ibigay na ang Clothing Allowance na hindi nabigay noong 2023. Ipinanawagan din niya sa rehimen na tugunan ang isyu ng tanggalan sa trabaho at reklamo sa kapabayaan ng pamunuan ng MMDA noong Enero 2024.

Sa halip na tugunan ang hinaing ng unyon at makipagdayalogo sa mga lider nito, taksil na nagsampa ng kaso ang pamunuan ng MMDA laban kay Gonzales sa batayan ng “paglabag” sa MMDA Memoranum No. 17 na nagbabawal magpaskil sa social media ng makakasira sa integridad ng MMDA.

“Malinaw naman na ang manawagan para sa lehitimong kahingian o karaingan ay karapatan sa malayang pagpapahayag lalo pa’t nanggagaling ito sa isang lider unyonista,” sagot dito ng Courage. Paraan din umano ito ng mga unyonista para igiit ang kagalingan ng mga kawani sa panawagang ibigay ang mga ligal na benepisyong nararapat lang tanggapin ng mga kawani ng MMDA.

Anito, “Ang pagkaso sa kanya ay isa ring porma ng panghaharas sa isang unyonista at banta sa mga kawani na manahimik na lang at huwag magreklamo kahit na matuwid at legal ang kanilang ipinaglalaban.”

Nanawagan ang Courage sa pamunuan ng MMDA na iatras ang isinampang kaso laban kay Gonzales at itama ang maling patakaran ng ahensya na naging batayan ng pagkaso dahil ito ay mapaniil, di makatao at iligal.

Nakamtan na ng mga kawani ng MMDA kamakailan ang kanilang SRI at Gratuity Pay para sa 2023, gayunman, ipinaabot ng Courage ang kanilang pakikiisa sa mga kawani ng ahensya para sa patuloy na pakikibaka para sa Clothing Allowance para sa 2023 at 2024. Binigyang diin ng unyon na makatarungan lamang na tuluy-tuloy na lumaban ang mga kawani ng MMDA para sa kanilang kagalingan at mga karapatan, kabilang ang paggigiit na gawing regular ang mga kontraktwal nitong empleyado.

AB: Lider-unyonista ng mga kawani sa MMDA, ginigipit