Luho ng mga Marcos sa gitna ng laganap na kahirapan, binatikos ng mga manggagawa
Binatikos ng mga manggagagawa ng Kilusang Mayo Uno ang luho ng pamilyang Marcos sa gitna ng laganap na kahirapan. Ito ay matapos mabalita ang ginawa nitong engrandeng renobasyon sa gusaling pampresidente sa Malacañang. Panawagan nilang isapubliko kung magkano ang ginastos at kung saan kinuha ang pondo.
“Dapat magpaliwag siya sa taumbayan,” anila. “Ang mga manggagawa nangungupahan sa maliliit na kwarto, napuputulan pa ng tubig at kuryente dahil napakababa ng sahod at hindi makabayad on time.”
Sinimulan ang renobasyon ng Bahay Pangulo (dating Bahay Pangarap) pagkaupong pagkaupo ng mga Marcos sa Malacañang at natapos lamang nitong Oktubre. Sa atas ng ni Marcos at asawang si Liza Araneta Marcos, itinayo ang anim na bagong gusali, isang malaking swimming pool at iba pang pagbabago para maging “ala-resort” ang tirahan ng kanyang pamilya.
Ipinangalandakan ng mga Marcos ang renobasyon kasabay ng paglabas ng sarbey na dumami pa ang mga Pilipinong naghihirap. Noong Oktubre 11, inilabas ng Social Weather Station ang sarbey ng “self-rated poverty” kung saan tumaas tungong 59% ang mga Pilipino o 16.3 milyong mga pamilyang naghihirap noong Hulyo. Ang tantos na ito ay mas mataas sa 58% noong Hunyo at pinakamataas mula June 2008.
Pinakamataas ang tantos na nagsabing naghirap sila sa Mindanao (67%), sunod sa Visayas (62%) at Luzon (55%). Bahagyang mas mababa ang nagsabing naghirap sa NCR (52%), pero malaking talon ito mula sa 39% na nagsabing naghirap sila noong Hunyo.
Halos 10% ang nagsabing ngayon lamang sila nakaranas ng kahirapan (newly poor) habang 41.5% ay nagsabing lagi silang naghihirap (always poor).
Halos kalahati (46%) sa mga pamilyang Pilipino ang nagsabing hirap sila sa pagkain (food poor), pinakamataas rin mula Hunyo 2008.
Ginawa ang sarbey sa pagitan ng Setyembre 12 hanggang 23 sa 1,500 kabahayan sa buong bansa.