Magkapatid na nagpapastol ng hayop sa Masbate, pinatay ng lulong-sa-drogang mga sundalo

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinagbabaril hanggang mapatay ng lulong-sa-drogang mga sundalo ng 2nd IB ang magkapatid na Ronel, 22, at Robert Monsanto, 18, sa Sityo Laray, Barangay Aguho, Esperanza, Masbate noong Hulyo 8. Ang magkapatid ay nagpapastol ng kanilang alagang hayop nang madaanan ng nag-ooperasyong yunit militar at basta-bastang binaril.

Dinala ng mga sundalo ang bangkay ng magkapatid sa Barangay San Roque at doon pinalabas na mga Pulang mandirigma na napaslang sa isang armadong engkwentro. Ibinalandra ng mga ito ang mga bangkay at nilagyan ng mga armas at kagamitang pandigma.

Sa pahayag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command), nilinaw nitong walang engkwentrong nangyari sa naturang barangay. “Pinagkaitan ni Marcos at ng 2nd IB ng kinabukasan ang mga kabataang magsasaka at magkapatid na Monsanto,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng yunit.

Ipinaabot niya rin sa mga kaanak ng biktima ang pakikidalamhati ng hukbong bayan at ipinahayag ang kanilang pagsuporta sa pamilya sa kanilang laban para sa hustisya.

“Tulad nila Ronel at Robert, marami pang kabataan ang nanganganib na mapagkaitan ng kinabukasan sa ilalim ng nagpapatuloy na paghaharing militar sa prubinsya,” ayon kay Ka Luz. Idiniin pa niya na sa likod ng mga palabas na pa-liga, ROTC, leadership training at iba pang pakana para ng militar na linlangin ang kabataan ay lumilitaw ang tunay na katangian ng mga sundalo.

Dagdag pa ng tagapagsalita, “sa pagpaslang [sa dalawa], lalong nagiging malinaw para sa mga kapwa nila kabataang Masbatenyo na wasto at kailangang [sumapi sa hukbong bayan para sa hustisya.]”

AB: Magkapatid na nagpapastol ng hayop sa Masbate, pinatay ng lulong-sa-drogang mga sundalo