Teddy Casiño, ika-6 na kandidato ng Makabayan para sa Senado
Sa harap ng Bantayog ng mga Bayani, inianunsyo ni Teddy Casiño ngayong araw, Agosto 21, ang kanyang kandidatura pangkasenador sa eleksyong 2025. Itinaon ang kanyang deklarasyon sa anibersaryo ng pagpaslang kay Benigno Aquino Jr, isa sa kinikilala niyang naging susi ng kanyang panimulang pagkamulat.
Si Casiño ay kasalukuyang ikalawang tagapangulo ng Bayan Muna (BM) at tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan. Nagsilbi siyang kinatawan ng BM sa kongreso sa loob ng tatlong termino mula 2004 hanggang 2013.
“Subok na ang paglilingkod ni former Rep. Casiño sa mga batas na kanyang naipasa at itinulak sa loob ng siyam na taon bilang mambabatas at kinatawan ng mamamayan,” pahayag ng BM. Kabilang sa mga ipinanukala at ipinasa ng partido sa kanyang termino ang mga batas na: Public Attorneys Act of 2007 (R.A. 9406); Tax Relief Act of 2009 (R.A. 9504); Rent Control Act of 2009 (R.A. 9653), at ang Anti-Torture Act of 2009 (R.A. 9745). Pinangunahan niya ang paghahain 178 batas at co-author siya sa 376 iba pa. Isa siya sa pinakamasipag na kongresista ng kanyang panahon.
“Ipinagmamalaki namin ang pagpasok ni Teddy Casiño sa aming senate slate,” pahayag ng Koalisyong Makabayan. “Matatag ang kanyang dedikasyon sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago at hustisyang panlipunan.”
Pagtutuunan ng kandidatura ni Casiño ang paghamon sa nagpapatuloy na paghahari ng mga korap na dinastiya at pagtutulak para sa pagbabago sa sistema, ayon sa koalisyon. “Magiging layunin niya ang paghahapag ng progresibong adyenda na magbibigay-prayoridad sa pangangailangan ng mga mahihirap at inaaping mga sektor ng lipunan.”
Kasama ni Casiño sa slate ng Makabayan sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party, Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno, Rep. Liza Maza na dating kinatawan ng GWP at Ronnel Arambulo ng Pamalakaya.