Magsasaka, dinukot ng AFP sa Masbate
Dinukot at isinakay sa van ng mga kasapi ng 96th Military Intelligence Company (MICO) ng 9th ID ang isang residente at magsasaka sa Barangay Cabangcalan, Placer, Masbate noong Marso 29, alas-6 ng umaga. Kinilala ang biktima na si Junior Tuling, 56 anyos.
Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Masbate ang karumal-dumal na krimen na ito ng 9th ID laban sa sibilyang populasyon ng Barangay Cabangcalan. Dagdag ng grupo, ang pagdukot ay isa ring duwag na ganting-salakay ng mga sundalo kasunod ng apat na taktikal na opensiba ng BHB noong Marso.
“Madalas ring pinagbabalingan ng galit ng militar ang mga ordinaryong sibilyan sa tuwing sila ay nabibigo sa kanilang mga ilinulunsad na operasyon laban sa BHB,” ayon pa sa grupo.
Nanawagan ng tulong ang pamilya at kamag-anak ni Tuling upang matuntun ang kinaaroonan niya. Hiling nila na mapanagot ang mga berdugong militar at mabigyang hustisya ang biktima.
Nagpahayag ng suporta ang PKM-Masbate sa pamilya ni Tuling at iba pang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng mga sundalo. Nanawagan rin ito sa lokal na upisya ng barangay na umaksyon at gumawa ng mga hakbang upang tuntunin ang biktima at tiyakin ang kanyang kaligtasan.
Dati nang biktima ng sapilitang “pagpapasuko” ng militar si Tuling. Noong 2021, sapilitan siyang “pinasuko” ng mga militar sa kasagsagan ng paglulunsad ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa Masbate. Ayon sa PKM-Masbate, marami na ang katulad ni Tuling na “sumurender” at matapos tumangging magpagamit sa militar bilang ahente sa paniktik o mag-CAFGU ay ginigipit ng mga sundalo.
“Dinudukot [sila] ng militar, (at ang) masahol, natatagpuan silang wala ng buhay. Madalas, pinalalabas ng militar na kasapi sila ng BHB na namatay sa engkwentro,” pagsasalaysay ng PKM-Masbate.
Samantala, sa isang hiwalay na insidente noong Marso 27, binugbog ng mga tauhan ng 96th MICO si Totong Cuyos, magsasaka at residente sa Barangay Cabrera, Dimasalang.
Liban dito, naiulat sa ikalawang distrito ng Masbate ang laganap na pagnanakaw ng militar sa mga sibilyan na pinalalabas na kagagawan ng hukbong bayan. Itinanggi ng Bagong Hukbong Bayan-Masbate ang mga paratang at sinabing taktika ito ng militar para siraan ang hukbo at bigyang katwiran ang pagbubuhos pa ng karagdagang mga sundalo sa mga bayan ng ikalawang distrito.