Mapanirang operasyong kwari sa Mindoro, pinarusahan ng BHB

,

Pinatawan ng aksyong pamarusa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro ang operasyong kwari sa gitna ng Ilog Bongabong, Barangay Hagupit, Bongabong, Oriental Mindoro noong Setyembre 20 ng hapon. Pinaralisa at sinunog ng mga Pulang mandirigma ang isang payloader na ginagamit sa operasyong kwari ni Mayor Elgin Malaluan ng bayan ng Bongabong.

Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, ang aksyong militar ay isang mahigpit na babala sa mga sumisira sa kalikasan sa buong isla. “Ang hakbang pamamarusa na ito ay bahagi ng pagtupad ng BHB-Mindoro sa patakaran ng Demokratikong Gubyernong Bayan na pagtatanggol sa Ilog Bongabong mula sa mga ganid at mapagsamantalang opereytor ng kwari sa pangunguna ng mismong alkaldeng si Elgin Malaluan,” dagdag pa niya.

Giit pa ni Ka Madaay, hindi dapat hayaan ang pamamayagpag ng mga operasyong ito na lubos na pumipinsala sa Ilog Bongabong na magdudulot ng matitinding pagbaha at pagguho ng lupa.

Aniya, sana ay magsilbi ding mensahe ang hakbang pamamarusa sa Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro na laway na laway na buksan ang isla para sa dayuhan at mapangwasak na mina.

Hindi umano palalampasin ng BHB-Mindoro at ng rebolusyonaryong kilusan sa isla ang imbing pakanang ilusot ang mas malalaking minahang pagmamay-ari ng mga dayuhan at malalaking kumprador-panginoong maylupa matapos pataksil na aprubahan ang Provincial Ordinance 145-2022, o ang ordinansang nagpapahintulot sa operasyong quarry ng armour rocks sa saklaw ng prubinsya.

AB: Mapanirang operasyong kwari sa Mindoro, pinarusahan ng BHB