Balita

Mas matapang pa ang mga mamamahayag at mangingisdang naglakas-loob na imbestigahan ang presensya ng militar ng China sa karagatan ng Pilipinas

Imbes na ipagtanggol, animo’y pinagalitan pa ng Armed Forces of the Philippines si Chiara Sembrano, mamamahayag ng ABS-CBN, matapos siyang maglakas-loob na imbestigahan ang presensya ng militar ng China sa West Philippine Sea. Sa balita ni Sembrano, sinalubong at binantaan sila ng Chinese coast guard nang pumalaot siya at ang kanyang tim, akay sa isang barkong pangisda, para kunan ng bidyo at kwento ang sitwasyon sa Ayungin Shoal. Sa kanyang kwento, sinalubong sila ng barkong Chinese kahit hindi pa sila nakalalapit sa Ayungin Shoal, at kahit lumiko at nasa direksyon nang pabalik, hinabol pa sila ng dalawang barkong pang-atake hanggang sa layong 90 nautical miles mula sa mainland ng Palawan. Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Spratly Group of Islands. Dito rin matatagpuan ang Julian Felipe Reef na dinumog ng mahigit dalawang daang barkong Chinese mula pa Disyembe.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, imbes na tanungin si Sembrano kung anong ginagawa niya doon, ang dapat na itanong ay “bakit wala kayo doon?” Ang buong ruta na binaybay ng tim ni Sembrano ay bahagi ng soberanong karagatan o “exclusive economic zone” ng bansa, at sa gayo’y saklaw sa dapat ipinagtatanggol ng AFP. Binatikos din ng grupo ang pahayag ng militar na ang insidente ay bunga ng pagkukumahog ng mga mamamahayag na “makauna” sa pagbabalita at na dapat “pinag-isipang mabuti” ang kanilang trabaho. Anang NUJP, ang sinakyan ni Sembrano ay isang sibiliyang barko, na naglalayag sa karagatan ng Pilipinas, at sa gayon ay ligal at dapat na ligtas.

Marami nang naiulat na insidente ng mga mangingisdang itinataboy ng mga barkong Chinese sa sarili nilang mga pangisdaan sa nakaraan. Isa sa mga nagreklamo si Larry Hugo na nag-ulat na hinarang siya ng mga barkong Chinese sa Pag-asa Islang noong Enero. Imbes na ipagtanggol, nabalitang sinabihan siya ng militar na tumahimik na lamang.

Noong Marso 30, nagpahayag si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi magpapadala ang Philippine Navy ng barko sa Julian Felipe Reef para iwasang matawag na “provoking” o nanghahamon. Sa halip, aniya, maglalagay na lang muna ng mga barko ng coast guard at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa lugar para “depensahan” ang mga mangingisdang Pilipino. Sa inilabas na balita ni Sembrano, ni anino ng Philippine Coast Guard ay walang nakita sa lugar na pinuntahan ng kanyang tim.

Ang tanging ginawa ng Pilipinas ay maghapag ng diplomatikong protesta mula unang linggo ng Enero. Pero tulad ng inaasahan, hindi kinilala ng China ang mga ito. Noong Abril 5, inagalitan pa ng ambasador nito sa Pilipinas si Lorenzana sa anito’y mga “unprofessional” na pahayag.

Ayon sa grupong Pamalakaya, walang silbi ang matatapang na salita ng upisyal ng bansa kung wala namang sinasabi si Rodrigo Duterte tungkol dito.

“Animo’y nabusalan si Duterte ng diplomasya gamit ang bakuna at mga pamuhunang Chinese si Duterte,” ayon sa grupo. Takot nang pumalaot ang mga mangingisda malapit sa lugar dahil sa presensya ng mga barkong Chinese.

AB: Mas matapang pa ang mga mamamahayag at mangingisdang naglakas-loob na imbestigahan ang presensya ng militar ng China sa karagatan ng Pilipinas