Balita

Dagdag sa badyet ng mga SUC, panawagan ng kabataan at guro

Nagprotesta sa harap ng House of Representatives sa Quezon City ang mga estudyante at guro mula sa University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines kahapon, Setyembre 18, para itulak ang gubyernong Marcos na dagdagan ang badyet ng mga state universities and colleges (SUC) sa halip na kaltasan. Itinaon nila ang pagkilos sa araw ng pagdinig sa plenaryo ng badyet para sa SUCs.

Sa panukalang badyet para sa 2025, binawasan ni Marcos nang 11.29% o ₱14.48 bilyon ang badyet ng SUCs, kumpara sa tinanggap ng mga ito ngayong 2024. Panawagan rin nila ang ang paglalaan ng pondo sa edukasyon at iba pang pampublikong serbisyo sa halip na sa mga ahensyang nagpapatupad ng atake sa mga paaralan at komunidad katulad ng National Task Force-Elcac at Armed Forces of the Philippines.

Hinimok nila ang Kongreso na ilipat sa edukasyon at mga pampublikong serbisyo ang pondong nakalaan sa confidential and intelligence fund (CIF) at mga pondong pork barrel katulad ng napakalaking ₱158.665 bilyong “unprogrammed funds.”

Suportado ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc ang panawagan ng mga grupo ng guro at estudyante. Kaugnay nito, pinangunahan ng Kabataan Partylist ang pangangalap ng pirma ng mga tagapangasiwa ng mga SUC sa bansa para sa isang pahayag para ibalik ang pondong kinaltas sa mga SUC. Anang partido ng mga kabataan, nakakalap na sila ng hindi bababa sa 39 na pirma.

“Kinakailangan ang karagdagang badyet para sa ating mga institusyon ng pagkatuto para ibalik ang silbi nito sa publiko at makapagbigay ng sapat na suporta para sa serbisyo pang-estudyante at pagpapaunlad ng mga guro,” ayon sa pahayag.

AB: Dagdag sa badyet ng mga SUC, panawagan ng kabataan at guro