Mga buntis na diniseparesido ng 402nd IBde, inilitaw at pinalalabas na “sumurender”

Pinalalabas ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “sumurender” na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang dalawang buntis na Pulang mandirigma at iba pang indibidwal na dinukot nito at ilang buwan na ginawang hostage.

Sa balitang inilabas ng AFP EastMinCom, “sumurender” diumano ang mga buntis na sina Aurily Havana (Ka Laiza) at Jennifer Binungkasan (Ka Laile), kasama ang sibilyang si Roselle Polinar at isang nagngangalang Cesar Corella noong Enero 5 sa lokal na gubyerno ng Las Nieves, Agusan del Norte. Sila ay matagal nang hawak ng militar at itinago sa mga kaanak at publiko.

Noong huling linggo ng Disyembre 2022, iniulat ng pahayagang Ang Kalihukan ng rebolusyonaryong kilusan sa North Central Mindanao na dinukot ng mga sundalo ng 402nd IBde ang mga buntis na mandirigmang sina Havana at Binungkasan. Naglabas din ng pahayag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 29, 2022 kaugnay ng insidente para isiwalat ang paglabag na ito sa makataong mga batas at alituntunin sa digma.

Huling nakita ang dalawang buntis noong Nobyembre 3, 2022 sa tabing haywey sa Butuan City. Ang dalawa ay naka-maternity leave nang madakip sila ng mga sundalo.

Sa loob ng 67 araw, diniseparesido at ikinulong nang walang nakakaalam (held incomunicado) ang dalawang buntis — labag sa mga karapatan at proteksyong dapat iginawad sa kanila sa ilalim ng internasyunal na makataong batas. Napilitan ang mga sundalo na ilitaw ang dalawa, kasama ng iba pa, matapos isinapubliko ang pagdukot sa kanila ng mga ahenteng militar at sapilitang pagkawala.

Samantala, ang pinangalanang si Polinar ay isang sibilyang dinukot din ng mga tauhan ng militar noon pang Agosto 26, 2022. Kasama ng noo’y buntis pang si Polinar ang kanyang live in partner noon na si JR, ang noo’y pitong-buwang buntis na Pulang mandirigmang si Cherilyn Rebita (Ka Jan) at sugatang mandirigma na si Jackilyn Egtob (Ka Jane). Dinampot sila sa tinutuluyang bahay sa Surigao del Norte. Pinakawalan ng mga ahenteng militar sina Rebita at Egtob noong Nobyembre 3, 2022 (kasabay ng pagdakip kina Havana at Binungkasan). Noong Disyembre 29, 2022, nabawi ng pamilya si Baby Rhea, ang sanggol na isinilang ni Rebita habang nasa kustodiya ng militar, matapos isapubliko ang pag-hostage sa kanya ng 402nd IBde.

Si Rebita at Egtob ay pinalaya ng militar matapos ang 69 na araw ng iligal na pagkukulong sa kundisyong pasusukuin nila ang kanilang mga kaanak at asawa na mga Pulang mandirigma at magnanakaw ng mga baril sa BHB. Ang sanggol ni Rebita ay sapilitang ipinaiwan sa kustodiya ng mga sundalo bilang “hostage.”

Sangkot sa naturang mga krimen ang ahente ng 402nd IBde na si Armando Rabanes (“Dagat/Antoy”), JB Bautista, Jeffrey Muñez at isang nagngangalang “Ondoy.” Nagpakilala ang mga ahente noon bilang bahagi ng “OPAPP” na pumapatungkol sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process.

AB: Mga buntis na diniseparesido ng 402nd IBde, inilitaw at pinalalabas na "sumurender"