Mga Filipino-Chinese, di natuwa sa "sarsuelang pagdinig" ni Hontiveros sa senado

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinastigo ni Teresita Ang-See, isa sa mas kilalang lider ng Filipino-Chinese community, ang direksyon ng pagdinig na isinasagawa ni Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa natuklasang mga kaduda-dudang mga aktibidad ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa Bamban, Tarlac. Imbes na sumentro ang pagtatanong ni Hontiveros at ni Sen. Loren Legarda dito, nagdiin ang mga pagdinig sa katauhan at nasyunalidad ng meyor ng Bamban na si Alice Guo.

Tinawag ni Ang-See na “sarsuela” o palabas ang padinig sa senado para “sadyang magtulak ng isang kontra-China at kontra-Chinese na naratibo sa walang kamuwang-muwang na publiko.” Tinawag din niya itong “witchhunt” laban kay Guo at lagpas na sa kung ano ang “disente.”

“Nagsimula (ang pagdinig) sa imbestigasyon ng POGO, na lubos naming ikinagalak…pero ngayon, naging sarsuela na ito. Nakakagalit na makita ang ating mga senador—sa gitna ng napakaraming problema—na mawalan ng pagkadisente at mang-uungkat ng dumi…tungkol sa mga karelasyon, kasambahay at katulad na mga bagay,” aniya. Kakatwang sa komite pa para sa Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumuan ni Hontiveros iwinasiwas ang ganitong sensitibong mga detalye at akusasyon.

Sa huling sesyon na isinagawa ng komite, walang tigil ang pagdidiin ni Hontiveros kay Guo para palabasin siyang Chinese, at higit dito, isang “espiya ng China.” Sa isang punto sa pagdinig, binulyawan ni Legarda si Guo ng “Umuwi ka sa bansa mo!”

Muling nagbabala si Ang-See laban sa Sinophobia o rasismo laban sa bansa, mamamayan at kulturang Chinese, laluna’t isinasagawa ang pagdinig matapos ang walang basehang akusasyon ng pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese (na ipinalabas ding mga espiya ng China) sa mga unibersidad sa Hilagang Luzon.

Umalma na maging ang ibang senador sa kondukta ng pagdinig ni Hontiveros. Kinwestyon ng kabloke niya mismo sa minorya na si Sen. Aquilino Pimentel III ang direksyon ng imbestigasyon. Aniya, dapat ibalik ang atensyon sa POGO at magkaisa sa pagsipa nito sa bansa. Ang anumang kwestyon sa nasyunalidad ni Guo ay dapat isampa sa kaukulang organo, aniya.

Gayundin, kapansin-pansin na ang pagdiin ni Hontiveros sa POGO ay nakasentro lamang sa Bamban at animo’y nagbubulag-bulagan siya sa ibang POGO, tulad sa mga operasyon nito sa Cavite na nasa ilalim ng proteksyon ng dinastiyang Remulla.

Ayon sa League of Filipino Students, ang totoo ay hindi kaiba si Guo sa napakaraming pulitiko na nagbukas sa kanyang bayan sa POGO.

“Ikinagalak ni Mayor Guo ang mga operasyon ng POGO, dahil katulad ng ibang pulitiko, may pakinabang siya sa pagpasok ng dayuhang pamumuhunan,” ayon sa grupo. “Hindi ito kaiba sa pagtutulak ni Marcos Jr para sa…100% na pag-aari ng mga dayuhan sa mga susing industriya sa pamamagitan ng economic charter change.”

Kinutya din ng grupo ang pagdidiin ng estado sa presensya ng mga “espiya ng China” habang ibunuyangyang nito ang buong Pilipinas sa presensya ng mga sundalong Amerikano. Tinawag nitong “selective nationalism” o nasyunalismong may pinipili ang palabas sa Senado.

“Takot na takot tayo sa sarbeylans ng China, pero walang pumapansin sa US Embassy, isang ‘listening post’ ng US National Security Agency na kilalang may kakayahang humarang at magtipon ng mga pribadong impormasyon mula sa mga tawag sa telepono at mensaheng text,” anito.

AB: Mga Filipino-Chinese, di natuwa sa "sarsuelang pagdinig" ni Hontiveros sa senado