Balita

Mga grupong anti-imperyalista, matagumpay na nagdaos ng asembliya sa Malaysia

,

Matagumpay na idinaos ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang ika-7 internasyunal na asembliya nito mula Hunyo 21 hanggang 24 sa Malaysia. Sa komunike na inilabas ng organisasyon noong Hulyo 11, iniulat nitong dinaluhan ang asembliya ng 535 na indibidwal mula sa 44 bansa. Ang 432 delegado ay mula sa 192 mga organisasyon na myembro ng ILPS habang 103 ay mga panauhin at obserber.

Pinakamalaki ang asembleyang ito sa kasasayan ng liga. Ayon sa komunike, salamin ito ng matitinding epekto ng mga imperyalistang krisis sa ekonomya, pulitika, militar at klima sa buong mundo at ng kapasyahan ng mamamayan para magkaisa at makibaka para sa isang mabuting daigdig.

Pinarangalan sa asembliya si Kasamang Jose Maria Sison, chairman emeritus ng liga. Ito ang unang internasyunal na asembleyang inilunsad mula nang pumanaw siya. Nagbigay ng pananalita si Ka Julie de Lima hinggil sa pamana ni Ka Joma.

Binuksan ang asembliya sa pamamagitan ng talumpati ni Leila Khaled, bantog na mandirigmang Palestinian mula sa Popular Front for the Liberation of Palestine, tungkol sa kahalagahan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Palestino laban sa US-Zionistang agresyon at okupasyon at ang kahalagahan rin ng internasyunal na pakikipagkaisa ng mamamayang lumalaban.

Ang iba pang tagapagsalita ng asembliya ay nagpokus sa apat na usaping binibigyang pansin ng liga: pambansang paglaya, sosyo-ekonomikong pag-unlad, demokrasya sa paglaban sa pasismo, at makatarungang kapayapaan sa pakikibaka laban sa mga gerang agresyon.

Ang mga tumalakay rito ay sina Coni Ledesma ng National Democratic Front of the Philippines para sa kilusang mapagpalaya sa Pilipinas; Sheryl Cadman mula sa First Union in Aotearoa (New Zealand) kaugnay sa mga pakikibaka ng mga migranteng manggagawa; Jerome Adonis mula sa Kilusang Mayo Uno kaugnay sa mga pakikibakang manggagawa; Engr. Hassan Al Jaja mula sa Arab Group for the Protection of Nature at Hakan Cifci mula sa Kurdistan National Congress kaugnay sa pasismo ng rehimeng US-Zionist at pasismo ng rehimeng Erdogan sa Turkey; Ludo de Brabander mula sa Vrede in Belgium tungkol sa papel ng NATO at mga alyansang militar na pinamumunuan ng US; at panghuli ang Korean Committee for the Solidarity of the World’s People ng Democratic People’s Republic of Korea na nagpadala ng mensahe kaugnay sa gerang sinusulsulan ng US sa Korean peninsula.

Nagkaroon ng mga palihan at palitan ng mga karanasan ang mga delegado na naging basehan ng paglalabas ng Pangkalahatang Deklarasyon ng ika-pitong asembliya. Naghalal din ng bagong mga upisyal ang liga. Muling nahalal bilang pinuno nito si Len Cooper mula sa Australia at nahalal bilang bagong pangkalahatang kalihim nito si Azra Sayeed.

Nagtipon ang asembliya sa temang “Biguin ang imperyalismo! Ipagtagumpay ang ating sosyalistang kinabukasan! Buuin ang nagkakaisang prente ng mamamayan para labanan ang imperyalistang pandarambong, gera at pasismo! Hikayatin ang mas maraming organisasyon at kilusan sa ILPS sa pakikibaka para sa sosyalistang kinabukasan para sa sangkatauhan at planeta!” Pinasigla ang 3-araw na pagtitipon ng mga masiglang mga talakayan, espesyal na aktibidad at kultural na mga pagtatanghal.

AB: Mga grupong anti-imperyalista, matagumpay na nagdaos ng asembliya sa Malaysia