Mga internasyunal na grupo, nagpaabot ng pagbati sa ika-56 anibersaryo ng BHB
Iba’t ibang internasyunal na mga partido at organisasyon ang nagpaabot ng pagbati sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pagdiriwang ng ika-56 anibersaryo nito noong Marso 29. Kinilala ng mga ito ang dakilang armadong pakikibaka na inilulunsad ng BHB, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, para wakasan ang tanikala ng pang-aapi at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino.
Kabilang sa mga nagpaabot ng kanilang pagbati ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), Cairde na Filipínigh Committee ng Anti-Imperialist Action Ireland (AIAI) at Communist Party of Australia (Marxist-Leninist).
“Sa loob ng 56 na taon, nasa unahan ang BHB sa pakikibaka laban sa pasistang mga rehimen at mga korap na burukrata sa Pilipinas, gayundin sa paglaban sa imperyalismo,” ayon sa CPA-ML. Mula Australia, inihayag nila ang kanilang buong suporta sa hukbong bayan at kanilang pakikibaka at umaasa ito sa tagumpay at pagtatagal ng mga kasama.
Ayon sa AIAI, ang paglaban ng hukbong bayan ay maituturing bilang “isa sa pinakaabanteng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at sosyalismo na inilulunsad sa buong mundo.” Dahil dito, nagsisilbi umano bilang tanglaw ang hukbong bayan sa paglaban sa imperyalismo.
Dagdag pa ng grupo, dapat magsikap ang mga sosyalistang republican na Irish na muling buuin ang internasyunal na ugnayan na nabuo dati ng kilusang mapagpalayang Irish noon sa Pilipinas. “Tumatanaw kami sa mga tagumpay [ng BHB] sa hinaharap at hinihiling namin ang maayos nilang pagdaraos sa kanilang mga selebrasyon at pagsisikap,” pahayag ng grupo.
Pinagpugayan ng FFPS ang mga pagsisikap ng BHB para itaguyod at puspusin ang kilusang pagwawasto na ipinanawagan ng PKP simula noong Disyembre 2023. “Habang militanteng nagsisikap ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB, ang rebolusyonaryong kilusan, at ang mamamayang Pilipino tungo sa pagsusulong ng rebolusyon, militante rin tayong magsikap para suportahan sila at kanilang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya,” ayon sa FFPS.