Balita

Global Sumud Flotilla, lumayag na tungong Gaza

, ,

Lumayag na mula sa Barcelona, Spain noong Agosto 31 ang may 20 barko na may dalang pagkain at batayang pangangailangan at lulan ang may 300 crew, tungong Gaza sa tinatawag na pinakamalaking flotilla sa kasaysayan. Lilbu-libong mamamayang maka-Palestine ang nagtipon sa daungan para suportahan ang mga nangahas bumyahe tungong Palestine, sa harap ng pambabanta ng aresto at detensyon ng Zionistang Israel. Kaisa sa mga naglayag ang unyon ng mga dock workers sa Spain na matagal nang tumangging magtrabaho para sa mga barkong may lulang bala o suplay na para sa Israel. Inaasahan dagdag na mga barko mula sa mga daungan ng Tunisia at Sicily ang sasama sa flotilla.

Ang Global Sumud Flotilla ay nilalahukan ng ordinaryong mamamayan mula sa 44 bansa, kabilang ang mga aktibistang Moro mula sa Pilipinas. Layunin nitong basagin ang blokeyo ng Israel sa Gaza at bumuo ng isang humanitarian sea corridor na maghahatid ng lubos na kinakailangan pagkain sa naghihingalong mamamayan sa Gaza.

Muling sumama sa flotilla si Greta Thunberg, kilalang aktbistang maka-kalikasan, at Liam Cunningham, isang artista mula sa United Kingdom.

Sa araw ng paglalayag, nagbanta ang upisyal ng Zionistang estado na arestuhin ang lahat ng mga sakay sa mga barko, ideklara silang mga terorista at matagalan silang ikulong sa mga bilangguang may mga “kundisyong antas-terorista.” Nagbanta rin itong agawin ang mga barko at ipagamit sa Zionistang pulis.

Kabi-kabila ang pagkundena sa plano ng Israel, kabilang ang UN Special Rapporteur para sa Palestine na si Francesca Albanese. Nagpahayag din ng suporta ang mga pinuno ng estado ng Malaysia at Colombia.

AB: Global Sumud Flotilla, lumayag na tungong Gaza