Balita

Paglipol ng Zionistang Israel sa mga Palestino sa Gaza City, walang awat

,

Walang puknat ang brutal na pambobomba ng Zionistang Israel sa Gaza City, isa sa natitirang mga lugar labas sa mga evacuation center na tinatauhan pa ng mga Palestino. Nagsimula ang lahatang-panig na atake sa syudad sa unang linggo ng Agosto matapos inaprubahan ng Zionistang gabinete ni Benjamin Netanhayu ang planong tuwirang okupahin ang syudad.

Lalong sumasahol ang matitinding krimen sa digma at sa sangkatauhan ng Israel sa kampanyang pagpapalayas nito sa syudad. Noong Agosto 4, binomba nito ang isang press tent malapit sa ospital ng al-Shifa na pumatay sa anim na mga mamamahayag ng Al Jazeera. Noong Agosto 25, dalawang beses nitong binomba ang Nasser Hospital, na pumatay ng 22 katao, kabilang ang mga pasyente at mga sumaklolo sa kanila. Mula Setyembre 5 hanggang 8, apat na matataas na gusali na tirahan ng daan-daang pamilyang Palestino ang pinulbos ng mga eroplanong Israeli. Binigyan lamang ng ilang minuto ang mga residente rito para lisanin ang kanilang mga tahanan. Isang 13-palapag na gusali ang walang pabatid na binomba sa pangangatwirang nakatigil dito ang isang upisyal ng Hamas. Umabot sa 41 Palestino ang namatay sa insidenteng ito.

Araw-araw ang mga pamboboma sa mga gusali at iba’t ibang lokasyon para itaboy ang mga Palestino mula sa syudad. Tuluy-tuloy rin ang blokeyo sa pagkain na nagdulot ng malawakang gutom at malnutrisyon.

Nitong Setyembre, pormal nang idineklara ng International Association of Genocide Scholars (IAGS) na henosidyo ang ginagawa ng Israel sa Gaza, alinsunod sa ligal na depinisyon nito sa UN convention on genocide.

Kinilala rin ng grupo ang mga krimen sa digma at krimen laban sa sangkatauhan na isinasagawa ng Israel sa 22-buwang pang-aatake nito sa Gaza. Kabilang sa mga aksyong bumubuo ng henosidyo ang malawakang atake sa tauhan at mga pasilidad na kinakailangan para mabuhay, tulad ng pasilidad pangkalusugan, ayuda at edukasyon. Binanggit din nito ang pagpatay sa mahigit 50,000 bata, at pagkawala ng marami pang iba, na may malaking epekto sa pag-iral at pagdami ng mga Palestino bilang grupo.

Ayon sa IAGS, bagamat maaari ring ituring na krimen ang atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, ang ganti ng Israel ay hindi lamang nakatuon sa Hamas kundi sa buong populasyon ng Gaza. Ang IAGS ang pinakamatandang asosasyon ng mga dalubhasa sa henosidyo, na kinabibilangan ng mga eksperto sa Holocaust o henosidyo ng Germany sa mga Jew. Ang pormal na deklarasyon ng asosasyon ay huli lamang sa napakarami nang nagdeklara at kumundena sa henosidyo ng Israel sa nakaraang halos dalawang taon.

Samantala, nasa daungan na ng Tunisia noong Setyembre 7 ang mga barkong maglalayag patungong Gaza sa ilalim ng Global Sumud Flotilla. Dalawampu sa mga barko ay nanggaling sa daungan ng Barcelona, Spain. Nakatakdang maglayag ang mga ito, kasama ang 30 iba pang barkong may lulang 300 toneladang pagkain, tubig at suplay medikal, sa susunod na mga araw. Habang nasa daungan ng Tunisia, dumanas ang flotilla ng magkasunod na drone attack noong Setyembre 9 at 10. Tinarget ng bomba ang pinakamalaking barko, ang Alma na naglalayag sa ilalim ng bandila ng United Kingdom. Naniniwala ang mga organisador ng flotilla na kagagawan ng Israel ang mga atake.

AB: Paglipol ng Zionistang Israel sa mga Palestino sa Gaza City, walang awat