Balita

Mga kroning burgesya-kumprador, namamayagpag sa listahan ng mga bilyunaryo

,

Dalawampung burgesya-kumprador ang pumasok sa listahan ng Forbes magazine ng mga dollar billionaire (bilyunaryo sa halagang dolyar) na inilathala noong Abril 6. Nadagdagan ang bilang na ito ng tatlo, mula sa 17 noong nakaraang taon.

Nangunguna sa pinakamayamang burgesyang kumprador si Manny Villar, na may yamang $$8.3 bilyon (₱431.6 bilyon) ngayong taon. Mas mataas ito ng mahigit $$1 bilyon mula sa $$7.2 bilyon niyang halaga noong nakaraang taon. Napakalaki ng nadagdag sa kanyang yaman na tumalon siya mula ika-352 pinakamayamang bilyunaryo sa buong mundo noong nakaraang taon tungo sa ranggong ika-263 ngayong taon.

Sumunod kay Villar sina Enrique Razon, Henry Sy Jr, Andrew Tan, magkapatid na Hans, Herbert at Elizabeth Sy at Ramon Ang.

Ang iba pa ay sina Teresita Sy-Coson, Lance Gokongwei, Tony Tan Caktiong, Betty Ang, Lucio Tan, Grace Uy, Nari Genomal, Ramesh Genomal, Sunder Genomal, Robert Ongpin at Dennis Uy.

Kalakhan ng mga burgesyang ito ay may negosyo sa real estate, telekomunikasyon, konstruksyon at transportasyon — mga industriyang napabibilang sa “sektor ng kroniyismo.” Pinakalitaw ang kroniyismo ni Villar na may mga kapamilya na humahawak ng kapakipakinabang na pusisyon sa gubyerno na direktang nagsisilbi sa kanyang mga negosyo. Kabilang dito ang asawa niyang si Cynthia Villar sa Senado na nagpasa sa dambuhalang badyet para sa programang Build, Build, Build at anak na si Mark Villar na kalihim ng Department of Public Works and Highways.

Sina Razon (lohistika), Ang (pagkain at inumin) at Sy (pagtitingi) ay pinapaborang mga negosyante ni Rodrigo Duterte mismo. Ang mga ito ay sangkot rin sa industriya ng pagmimina, konstruksyon, serbisyong sosyal at telekomunikasyon.

Sa listahan ng The Economist nitong taon ng mga bansang pinakatalamak ang kroniyismo, ikaapat ang Pilipinas sa 22 bansa. Sa datos nito, halos lahat sa yaman ng bilyunaryo (na bumubuo sa 10% ng sa gross domestic product) ay mula sa mga sektor na talamak ang kroniyismo.

Kung pagsasamahin ang halaga ng mga emperyo ng anim na magkakapatid na Sy (mga tagapagmana ni Henry Sy Sr. ng SM Group of Companies), umaabot sa $14.9 bilyon o tumataginting na ₱774.8 bilyon ang hawak na yaman ng kanilang pamilya.

Anim sa mga nabanggit — sina Betty Ang, ang mag-asawang Uy at ang mga Genomal — ay pumasok sa listahan sa unang pagkakataon ngayong taon.

Nakalagay sa listahan ng Forbes ang mag-asawang Grace at Dennis Uy ay nagmamay-ari ng Converge Information and Communications Technology Solutions, Inc, isang kumpanya sa telekomunikasyon. Nasa $2.2 bilyon (₱114.4 bilyon) ang pinagsama nilang yaman.

Ang magkamag-anak naman na Genomal, na may kabuuang yaman na $$3 bilyon (₱156 bilyon) ay may-ari ng kumpanyang Page Industries na eksklusibong distribyutor ng Speedo (pananamit na pang-isports) at Jockey (pananamit na panloob) sa Asia. Ang mga Genomal ay magkapatid na Indian na may mga pabrikang nakabase sa Bangladesh. Dalawa sa kanila ay kinikilalang mga Pilipino (citizenship).

AB: Mga kroning burgesya-kumprador, namamayagpag sa listahan ng mga bilyunaryo