Balita

Mga manggagawa, nagpiket kontra pagsisisante sa Coke sa Cebu

,

Nagpiket sa harap ng upisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 7 sa Cebu City ang mga manggagawa at iba pang sektor sa pangunguna ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU) noong Enero 22. Panawagan nila sa ahensya na aksyunan ang malawakang tanggalan ng mga manggagawa sa Coca-Cola sa pagawaan sa Cebu. Kasama sa sinisante ang lahat ng kasapi ng Progressive Workers Association in Exeltech and Manpower Services Incorporated-Coca-cola Cebu (PWAETMSICCC-IBM-KMU).

Sa araw na iyon, humiling ng dayalogo ang unyon sa panrehiyong direktor ng DOLE na si Atty. Roy Buenafe ngunit hindi sila hinarap nito. Tanging mga tauhan ng ahensya ang humaharap sa mga manggagawa at tahasang isinaisantabi ang hinaing ng unyon. Ayon sa mga taga-DOLE, wala silang magagawa sa usapin dahil “mediation” lamang ang kanilang papel sa mga sigalot sa pagitan ng kapitalista at manggagawa.

Ipatutupad ng Coca-cola ang tanggalan sa darating na Pebrero 10. Tinatayang higit 200 mga manggagawa, na 12 hanggang 17 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya, ang mawawalan ng trabaho. Gagawin ang malawakang pagsisisante at pagbubuwag sa unyon sa pamamagitan ng pagpapalit ng manpower agency na pinagkukunan ng kumpanya ng mga manggagawa. Mula sa kakontrata nitong Exel-Tech Manpower and Services, lumipat ang kumpanya sa manpower agency na Xisco.

Ayon sa AMA Sugbo-KMU, sa halip na gawing regular ang mga manggagawa alinsunod na utos ng DOLE noong 2019, tusong inilusot ng Coca-Cola ang tanggalan sa tabing ng “end of contract” sa manpower power agency nito. Panawagan ng grupo ang regularisasyon at di terminasyon, at pagwawakas ng lahat ng porma ng kontraktwalisasyon.

Lumahok at nakiisa sa piket ang ilan sa mga kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na nasa Cebu sa panahong iyon. Kabilang sa kanila ang pangkalahatang kalihim ng KMU na si Ka Jerome Adonis.

AB: Mga manggagawa, nagpiket kontra pagsisisante sa Coke sa Cebu