Balita

Mga manggagawang pangkalusugan, kumilos kontra korapsyon

,

Nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan at kanilang mga unyon noong Nobyembre 21 bilang pakikiisa nila sa lumalawak na kilusang protesta kontra korapsyon sa buong bansa. Pinangunahan ng Alliance of Health Workers (AHW) at Filipino Nurses United (FNU) ang mga kilos protesta.

Sa Maynila, nagsama-sama ang mga nars, duktor, mga propesyunal pangkalusugan at estudyanteng pangkalusugan sa protestang inilunsad sa harap ng Department of Health (DOH). Binatikos nila ang matinding korapsyon sa gubyerno, at ang pagsasantabi at pagbaliwala ng DOH at rehimeng Marcos sa sistemang pangkalusugan sa bansa.

Ayon sa mga manggagawang pangkalusugan, hindi lamang sinisira ng korapsyon ang kumpyansa at moral ng sektor, ipinagkakait din nito ang karapatan ng bayan para sa libre, de-kalidad at abot-kayang pangangalaga sa kalusugan.

Nananawagan din sila ng imbestigasyon sa DOH kaugnay ng mga naiulat na hindi natapos na mga Super Health Centers. Nababahala rin umano sila sa taun-taong ulat ng Commission on Audit ng naiimbak na mga sirang gamot ng DOH na hindi napakikinabangan ng mamamayan. Iginigiit din nila ang pansamantalang pagtatanggal sa pwesto kay DOH Secretary Ted Herbosa. Naiulat ang pagkakasangkot ni Herbosa sa maraming anomalya, tulad ng maling paggamit sa pondo.

Sa Quezon City, isang human chain at noise barrage ang inilunsad ng mga nars, estudyanteng pangkalusugan at manggagawang pangkalusugan sa tapat ng Trinity University Asia. Lumahok rin ang ilang mga lider at seminarista ng Episcopal Church of the Philippines.

Nakilahok rin sa araw ng protesta ang mga unyon ng mangggawang pangkalusugan sa Philippine General Hospital sa Maynila, Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital at Bacolod Doctors’ Hospital sa Bacolod City at sa Baguio General Hospital and Medical Center sa Baguio City.

Ang pagkilos ng mga manggagawang pangkalusugan ay bahagi ng lingguhang Black Friday Protest kontra korapsyon na inilulunsad ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Muling lalahok ang mga grupo ng manggagawang pangkalusugan sa pambansang protestang pangungunahan ng KBKK sa Nobyembre 30. Ilulunsad ang mayor na demonstrasyon sa Luneta Park sa tinaguriang Baha sa Luneta 2.0.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan, kumilos kontra korapsyon