Balita

Mga manggagawang pangkalusugan, muling nagprotesta para sa dagdag-sweldo at mga benepisyo

,

Magkakasabay na inilunsad ng mga unyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) ang mga protesta noong Abril 8 ng tanghali. Panawagan nila ang nakbubuhay na sweldo, seguridad sa trabaho, maramihang pag-eempleyo ng dagdag na manggagawang pangkalusugan at libreng serbisyong pangkalusugan sa lahat.

Kabilang sa mga lumahok ang mga unyon sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Lung Center of the Philippines (LCP), at Philippine Heart Center (PHC), gayundin ang mga ospital sa Maynila tulad ng Jose Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, at Fabella Hospital.

“Hindi natin ramdam ang pagtaas ng sahod mula sa Executive Order 64 dahil nilamon ito ng mataas na presyo ng pamumuhay at mga kaltas sa buwis. Ang mga presyo ng mga bilihin sa merkado, tulad ng bigas, gulay, karne, isda, at prutas, pati na rin ang gasolina, ay halos linggo-linggong tumataas,” ayon kay Sally Ejes, pangulo ng Philippine Heart Center Employees Association-AHW.

Aniya, ang hiling nilang mga manggagwang pangkalusugan ay makabuluhang dagdag-sahod pero ang naging tugon ng administrasyong Marcos ay ang EO64, na nagbigay lamang ng maliit at di makatao na pagtaas ng sahod.

Ang EO64 ay inilabas ni Marcos noong Agosto 2024 kung saan kakarampot na ₱530 na dagdag sa Salary Grade 1 Step 1 na empleyado o ₱26 kada araw na dagdag ang ibinigay. Naggawad din ang atas ng ₱7,000 alawans pangkalusugan sa mga kwalipikadong kawani. Igagawad ito sa loob ng apat na bigayan, mula 2024 hanggang 2027.

Pinuna rin ng mga manggagawang pangkalusugan ang pagtanggi ng Malacañang na gawing prayoridad na panukala ng Kongreso ang ₱200 dagdag sahod, kahit pa naniniwala ang AHW na hindi ito sasapat. Binigyang-diin ng AH ang pangangailangan para sa pambansang implementasyon ng nakabubuhay na sahod, na kasalukuyang itinakda sa ₱1,200 kada araw at ₱33,000 kada buwan, bilang entry-level salary para sa lahat ng mga manggagawang pangkalusugan, sa pampubliko at pribadong sektor, pati na rin sa mga empleyado ng gobyerno. Samanatala, itinutulak nila ang ₱50,000 entry salary para sa mga nars at iba pang allied health professionals sa pampubliko at pribadong sektor.

“Kami rin ay nananawagan ng regularisasyon ng mga kontrakwal na mga manggagawang pangkalusugan at maramihang pag-eempleyo upang matugunan ang malubhang kakulangan ng tauhan sa mga pampublikong ospital,” ayon kay Jocelyn Guinto, pangulo ng NKTI Employees Association-AHW. Aniya, mayroong kabuuang 1,753 manggagawang contract of service, kabilang ang in-house, outsourced, at regular na mga kontrakwal sa NKTI at PHC pa lamang. “Iba-iba ang katawagan, pero pare-pareho ang iskema,” ayon pa kay Guinto.

Anang AHW, habang ang mga manggagawang pangkalusugan at ang mga Pilipino ay nagdurusa sa krisis pang-ekonomya at pangkalusugan, patuloy ang mga matinding pagtatalo sa pulitika sa pagitan ng mga dating kaalyado na sina Marcos at Duterte, at patuloy na umiiral ang malawakang katiwalian sa burukrasya ay patuloy. Anito, wala silang maaasahan kundi ang kanilang kolektibong pagkilos.

Lalahok ang AHW at mga unyon sa ilalim nito sa pambansang kilos protesta sa darating ng Mayo 1, pandaigidang araw sa paggawa at sa Mayo 7, araw ng mga manggagawang pangkalusugan.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan, muling nagprotesta para sa dagdag-sweldo at mga benepisyo