Mga manggagawang pangkalusugan, muling nagprotesta para sa sweldo at karapatan
Muling nagsagawa ng piket protesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) sa Rizal Avenue sa Santa Cruz, Manila noong Nobyembre 4 para ipanawagan sa rehimeng Marcos ang pagbibigay ng naantalang performance-based bonus (PBB) mula 2021 hanggang 2023 at dagdag-sweldo. Mula sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang mga nakiisa sa kilos protesta.
Ayon sa AHW, noong Abril 11 pa nakipagdayalogo ang mga unyon sa ilalim nito sa kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng hindi pa naipamamahaging benepisyo para sa mga manggagawang pangkalusugan kabilang Health Emergency Allowance (HEA) at PBB. Ibinahagi ng DBM na hindi nila ito maibigay dahil apat na beses nang nabigo ang Department of Health sa pagtiyak ng PBB rating.
Noo’y inapela na ng AHW sa DBM na kaagad ibigay ang PBB ng mga manggagawang pangkalusugan, na pinaghirapan nila noong panahon ng pandemyang Covid-19 at maging pagkatapos nito. Pagdidiin ng grupo, nagtatrabaho ang mga manggagawang pangkalususgan nang walo hanggang 16 na oras at makatarungan lamang na igiit nila ang napapanahong pagbibigay ng kanilang mga benepisyo.
Ayon kay Cristy Donguines, isang nars at pangkalahatang kalihim ng AHW, “hindi dapat maparusahan ang mga pampublikong ospital sa panahong bigo ang DOH na gampanan ang mga tungkulin nito. Mungkahi niya, dapat gawin ang “rating” sa kada ospital para tiyaking maisaayos ito.
Dagdag pa niya, hindi na nga sumasapat ang kanilang tinatanggap na sweldo ay pinipiga pa ang kakarampot na kumpensasyon at benepisyo para sa sektor. “Marapat lamang na mabayaran sa tamang panahon ang mga manggagawang pangkalusugan,” ayon pa sa lider-nars.
Kasabay ring ipinanawagan ng AHW ang pagtataas ng kanilang sweldo tungong ₱33,000 pambansang minimum. Nakiisa rin sa pagkilos ang bagong-tatag na partido ng mga manggagawang pangkalusugan na Health Workers Party-list. Tatakbo ang partido sa eleksyong party-list sa darating na halalang 2025.
Samantala, nagtungo sa upisina ng DOH noong Nobyembre 8 si Ms. Myleen Tiangco, pambansang ingat-yaman ng AHW, kasama ang mga lider ng PHCEA-AHW at SLHEA-AHW para maghatid ng sulat sa kalihim ng DOH. Humiling sila ng dayalogo sa Nobyembre 15 para talakayin ang kanilang mga palagay kaugnay ng hindi patas na distribusyon ng hatian sa PhilHealth sa mga manggagawang pangkalusugan sa pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan.