Balita

Mga manggagawang pangkalusugan sa ospital sa Antique, nagwelga

,

Magkakasabay na lumiban sa trabaho ang mga manggagawang pangkalusugan ng pampublikong ospital na Angel Salazar Memorial General Hospital (ASMGH) sa San Jose de Buenavista, Antique simula Oktubre 1 hanggang Oktubre 4. Protesta ito ng may 60 mga nars at iba pang mga empleyadong nakapailalim sa contract of service (COS) dahil sa apat na buwan nang pagkaantala ng sweldo at banta sa katiyakan sa trabaho.

Reklamo nila, ilang ulit na silang nagtanong sa pamprubinsyang gubyerno hinggil sa sweldo ngunit hindi pa rin sila binabayaran. Pagdadahilan ng lokal na gubyerno, nasa ₱19 milyon na lamang ang natitirang pondo para sa sweldo ng mga COS para sa lahat ng mga pampublikong ospital ng prubinsya ngayong taon. Tinatayang ₱225 milyon ang kinakailangan para maswelduhan ang lahat ng COS.

Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga manggagawang pangkalusugan ng ASMGH ang Alliance of Health Workers (AHW) at Filipino Nurses United (FNU). Anang dalawang grupo, kapugay-pugay ang katapangan ng mga nagwelga para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at dignidad. “Makatarungan ang inyong pakikibaka, at dapat pakinggan ang inyong hinaing,” pahayag ng AHW.

Ayon sa AHW, matapat na nagsisilbi ang mga manggagawang pangkalusugan ng ospital sa kabila ng mga limitasyon sa kanilang istatus sa trabaho. “Hindi katanggap-tanggap na dumaranas sila ng pagkaantala sa kanilang sweldo at kahirapan dahil sa kainutilan, kakuparan, at burukratikong red tape ng pamprubinsyang gubyerno,” dagdag ng grupo.

Anito, dapat maghanap at gumawa ng paraan ang lokal na gubyerno dahil isinasaalang-alang nito ang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan at ng buong sistema sa kalusugan sa prubinsya. Ang ASMGH ang pangunahing ospital na nagsisilbi sa mga mamamayan ng Antique.

“Sa ganitong klase ng bulok na sistema sa pangangalaga sa kalusugan, nagdurusa kapwa ang mga manggagawang pangkalusugan at mga pasyente,” anang grupo. Para sa FNU, ang ganitong mga insidente sa harap ng nabubunyag na laganap na katiwalian sa gubyerno ay nagpapakita lamang kung paanong nagdurusa ang mga Pilipino habang nagpapasasa sa pera ng bayan ang iilang nasa kapangyarihan.

Hindi lamang sa ASMGH umiiral ang ganitong kalagayan at kaayusan. Ayon sa AHW, puno’t dulo ng sitwasyong ito ang pagpapasa ng pambansang gubyerno ng responsibilidad nito sa lokal na gubyerno para pangasiwaan ang mga pampubkikong ospital. Dagdag ng grupo, karaniwang walang kakahayan o rekurso ang mga lokal na gubyerno, liban pa sa hindi rin nila ito prayoridad, para magpatakbo ng mga ospital kaya nakokompromiso nito ang sistema sa kalusugan.

“Ang kalusugan ay isang responsibilidad na pambansa at ng gubyerno,” pahayag ng AHW. Giit nila, dapat nasa buong kontrol at pinopondohan ng pambansang gubyerno sa pamamagitan ng Department of Health ang mga pampublikong ospital sa bansa. “[Makakatulong ito] para matiyak ang kalidad na sistema ng pangangalaga sa kalusugan at patas na pagtrato sa mga manggagawang pangkalusugan sa lahat ng mga rehiyon, gayundin sa mga pasyente,” anito.

Nanawagan kapwa ang AHW at FNU sa lokal na gubyerno ng Antique na magsagawa ng imbestigasyon sa sistematikong kabiguan nitong tugunan ang sweldo ng mga manggagawang pangkalusugan. Dapat rin umanong mayroong mapanagot, at tiyakin ang napapanahong pagbabayad ng sweldo at pagwakas sa kontraktwalisasyon.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan sa ospital sa Antique, nagwelga