Mga nananaliksik kaugnay ng epekto ng El Niño sa Batangas, hinaras ng mga pwersa ng estado

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tinakot at hinaras ng pinagsanib na mga pwersa ng pulis, militar at upisyal ng barangay ang tim ng mga boluntir na nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa epekto ng El Niño sa mga magsasaka at residente ng Barangay Sampaga, Balayan, Batangas madaling araw ng Marso 24. Sinugod nila ang mga bahay sa barangay, nangalampag sa mga bintana at arbitraryong nanghingi ng “permit” ang mga upisyal ng barangay sa mga boluntir. Isinagawa ito sa kalaliman ng gabi at kalagitnaan ng pagpapahinga ng mga residente.

Ang mga boluntir ay mula sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) at mga estudyante ng University of the Philippines Los Banos College of Engineering and Agro-industrial Technology. Ayon sa tim, nagpunta sila sa barangay para mag-alam sa kalagayan ng mga magtutubo sa panahon ngayon ng pananalanta ng El Niño at bunga nitong tagtuyot.

Sa pahayag ng isang kalahok mula sa KASAMA-TK, kinalampag ang kanilang tinutuluyang bahay at sapilitan silang pinalabas mula dito. Pinagbawalan pa umano silang humawak sa kanilang mga bag at sabay-sabay na sinigawan na kagyat na lumabas at ipaliwanag ang kanilang presensya sa lugar.

Pagbabahagi pa niya, sa paglabas nila sa bahay ay nakatutok sa kanila ang mga laser ng matataas na kalibre ng baril at pinalibutan ng apat hanggang limang armadong mga pulis. Aniya, marami pang mga armadong pwersa sa paligid ng bahay at hindi nila alam kung ano ang ginagawa ng mga ito.

Pagdadahilan ng mga upisyal, pinaghahahanap sila dahil kinakailangan umano ng “permit” para sa pananaliksik ng mga ito dahil mayroong ordinansa kaugnay ng mga taong pumapasok sa kanilang barangay. Nang komprontahin ng mga boluntir, walang maipresentang papel at katibayan ng ordinansa ang mga upisyal at pwersa ng estado.

Liban dito, malisyoso ding binanggit at ikinukunekta ng mga pwersa ng estado ang pananaliksik sa naganap na armadong engkwentro sa ibang barangay sa Balayan noong Disyembre 2023 sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at militar.

Tumagal nang isang oras ang panghaharas ng mga upisyal ng barangay, militar at pulis. Pinilit pa silang humarap sa barangay hall para ipresenta ang kanilang pagkakakilanlan.

Sa Region IV-A (Calabarzon), kung saan kabilang ang Batangas, umabot na sa ₱7 milyon ang danyos sa sektor ng agrikultura. Naitala naman sa buong bansa noong Marso 18 ang ₱1.75 bilyong pinsala sa agrikultura sa walong rehiyon. Apektado ng tagtuyot ang higit 32,000 ektaryang taniman.

AB: Mga nananaliksik kaugnay ng epekto ng El Niño sa Batangas, hinaras ng mga pwersa ng estado