Balita

Mga naninira sa mga kaanak ng biktima ng gera kontra droga, planong sampahan ng kaso

,

Inanunsyo noong Pebrero 27 ang plano ng Duterte Panagutin Europe ang plano nitong magsampa ng kaso sa mga indibidwal na nasa Netherlands at sa Pilipinas na naninira at nam-bu-bully sa internet at sa aktwal sa mga kaananak ng mga biktima ng gera kontra droga at kanilang abugado.

Noong Pebrero 22, binulyawan ng mga tagasuporta ng ni Rodrigo Duterte ang mga pamilya ng biktima at inakusahan silang “sumusuporta sa mga adik sa droga.” Kinunan din nila ng bidyo ang kasamahan ng grupo nang walang pahintulot at ginawan ng malisyosong post na paninira at komento sa social media. In-edit ni Cathy Binag, isang taga-surporta ni Duterte, ang isang litrato ng mga kaanak para palabasing nagmamay-ari sila ng mga mamahaling bag. Samantala, noong Pebrero 24, kinunan ng bidyo sila Sheera Escudero at Llore Pasco, mga kaanak ng biktima, habang nagbabyahe nang walang pahintulot at ginamit ito upang siraan sa social media ng mga maka-Duterte na netizen.

Nananawagan ang grupo sa mga kapwa Pilipino na irespeto ang kanilang pribasiya at itigil ang walang tigil na pagtarget sa mga biktima.

“Matindi na ang pagdurusa na kanilang naranasan. Bilang sumusuporta sa mga biktima, hindi na kami papayag na mabastos sila,” pahayag ng grupo.

Ayon sa grupo ang paninira at pambabastos na ginawa ng mga taga-suporta ni Duterte ay labag sa EU General Data Protection Regulation (GDPR) at sa Algemene Verordening Gegevensbeschermingna (AVG)­ sa Netherlands. Dahil dito, plano ng grupo na magsampa ng kasong cyberbullying sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act at naghahanda na sa paghain ng upisyal na reklamo sa pulis laban sa mga indibidwal na imbwelto sa paninira.

Dagdag dito, plano din ng grupo na maghain ng reklamo sa kumpanyang Meta upang ipatanggal ang mga post, at kung kinakailangan, ay ipatanggal ang mismong mga pages at profile.

AB: Mga naninira sa mga kaanak ng biktima ng gera kontra droga, planong sampahan ng kaso