Mga protesta

Komisyuner ng Comelec, sinuportahan ng mga demokratikong grupo

Kinalampag ang mga demokratikong grupo ang upisina ng Commission on Elections noong Pebrero 1 bilang suporta sa desisyong inilabas ng komisyuner nitong si Rowena Guanzon. Sa kanyang hiwalay na upinyon, sinabi ni Guanzon na ilang beses na nilabag ni Ferdinand Marcos ang batas at sa gayon ay wala siya sa moral na katayuang tumakbo para mahalal sa anumang pusisyon sa gubyerno.

Panawagan ng mga raliyista, desisyunan na ng kinauukulang dibisyon ng Comelec ang petisyon para sa diskwalipikasyon ni Marcos Jr. Anila, ang bawat araw na dumadaan na hindi naglalabas ng desisyon ang COmelec ay isang inhustisya. Nanawagan rin ng pagpapabilis ng proseso ang mga organisasyon ng mga abugado sa bansa, mga taong simbahan at iba pa.

Umani rin ng suporta si Guanzon mula sa iba’t ibang grupo at personalidad.


Pagratsada sa Kaliwa dam, kinundena

Nagrali ang mga katutubo at grupong pangkalikasan na tatamaan ng proyektong Kaliwa dam sa harap ng upisina ng Metropolitan Waterworks Sewerage System sa Quezon city noong Enero 31. Bago nito, naglunsad ng dalawang asembliya ang MWSS at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal mula Enero 24 hanggang 29. Adyenda rito ang pagkuha diumano ng pagsang-ayon ng mga residente sa lugar. Gayunpaman, hindi nakalahok ang katutubong mga apektado ng proyekto.

Kinundena ng mga di nakalahok sa proseso ang pagratsada sa proyektong dam sa kabila ng mariing pagtutol ng mga residente sa lugar. Ayon kay Conchita, Calzado, kinokontrol ng NCIP mismo kung sino lamang ang pwedeng magsalita. Binatikos nila ang pagmaniobra ng MWSS pwersahin ang mga lider na pumirma sa naturang Memorandum of Agreement (MOA), gayong ang nakasaad sa imbitasyon ay balidasyon pa lamang ng MOA.

Ang Kaliwa Dam ay isang ₱12-bilyong proyekto sa 37,174 ektaryang lupang ninuno sa Sierra Madre na popondohan gamit ang pautang mula sa China para lumikha ng karagdagang 600 milyong litro ng tubig kada araw para sa Metro Manila. Palalayasin ng proyektong ito ang mahigit 11,000 katutubo at magsasakang pamilya sa lugar.


Ika-35 taon ng Masaker sa Mendiola, ginunita

Noong Enero 22, pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang panawagan ng hustisya para sa 13 biktima ng pamamaril ng estado na nasawi noong Enero 22, 1987. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa naglunsad ng mga pagtitipon ang mga magsasaka at kanilang taga-suporta.

Sa Cavite, nagkaraban ang iba’t ibang organisasyon mula Dasmariñas tungong Barangay Patungan, Maragondon bilang pakikiisa rin sa mga residenteng lumaban sa tangkang demolisyon sa kanilang lugar noong nakaraang linggo.

Pinangunahan ng Pamanggas, lokal na balangay ng KMP, ang nagmartsa sa syudad ng Iloilo. Samantala, nagpiket ang mga mangingisda’t magsasaka sa syudad ng Roxas sa Capiz at mga demokratikong organisasyon sa prubinsya ng Aklan. Naglunsad naman ng isang protestang candle lighting ang ilang komunidad sa syudad ng Maynila sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan-Manila.

Samantala sa Negros, isang araw bago nito, naglunsad ng programa ang KMP-Negros sa harap ng upisina ng Department of Agrarian Reform sa Bacolod City, kasabay ng panawagan ng hustisya para kay Alexander Ceballos, ang pinakaunang magsasakang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang ng rehimeng US-Duterte noong Enero 20, 2017.

Sa tala, umabot na sa 347 ang bilang ng mga magsasakang pinaslang ng rehimen. Tigmak ng dugo ang kanayunan habang nananatiling walang lupa ang mga magsasaka. Dagdag pa ng KMP, pinalala lamang ni Duterte ang ipinatupad na Comprehensive Agrarian Reform Program na pinairal ng rehimeng Cory Aquin. ”

“Pinadali ang kumbersyon sa lupa. Pwersahang winatak-watak ang mga kolektibong sakahan,” dagdag pa ng grupo.

Lantaran din umanong pinaburan ng rehimeng Duterte ang mga imported na produktong agrikultural – bigas, karneng baboy, galunggong, at iba pa. Habang pinapatay ang lokal na sektor ng agrikultura.

AB: Mga protesta