Mga unyon ng manggagawang pangkalusugan, nagpiket sa Araw ng mga Manggagawang Pangkalusugan
Bilang paggunita sa Araw ng mga Manggagawang Pangkalusugan, naglunsad ng kalampagan at piket ang mga unyon sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) noong Mayo 7. Ang mga pagkilos ay pangunahing inilunsad sa Metro Manila, habang mayroon ding pagtitipon sa Baguio City sa pangunguna ng Coalition of Health Workers’ Organizations in the Cordillera.
Ginugunita ang araw ng pagkilala sa mga manggagawang pangkalusugan bilang pagkilala sa kanilang mahalagang tungkulin at kontribusyon sa bansa.
“Nagbibigay-pugay kami sa aming mga kapwa manggagawang pangkalusugan sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni Bonifacio Carmona Jr, pambansang presidente ng AHW.
Ayon kay Carmona, nararapat lamang na kilalanin ang mga manggagawang pangkalusugan na gulugod ng sistemang pangkalusugan, nagtatrabaho ng napakahahabang oras at nagsasakripisyo ng kanilang kagalingan para tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng iba. “Maraming salamat sa inyong walang pag-iimbot na serbisyo, sa pagiging tanglaw ng pag-asa,” pagkilala ni Carmona Jr.
Kaugnay nito, muling ipinanawagan ng mga unyon ng AHW sa rehimeng Marcos ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sweldo, seguridad sa trabaho, pagdaragdag ng mga manggagawang pangkalusugan, napapanahong pagbibigay ng nararapat na mga benepisyo at libreng sebrisyong pangkalusugan sa mamamayan.
Partikular na itinutulak ng AHW para sa kagalingan ng sektor ang ₱33,000 entry salary para sa mga manggagawang pangkalusugan sa pribado at pampublikong ospital. Panawagan rin nila ang ₱50,000 entry salary para sa mga nars at iba pang alyadong propesyunal pangkalusugan tulad ng mga medical technologist, pharmacist, respiratory therapist, radiologic technologist, dietitian, physical therapist at iba pa. Sa kasalukuyan, tumatanggap lamang ng ₱13,500 kada buwan ang mga empleyadong nakakategorya sa Salary Grade 1 sa mga pampublikong ospital.
Liban sa mababang sahod, pinahihirapan din sila ng lubhang kulang na mga tauhan sa mga ospital at kontraktwalisasyon. Ayon sa AHW, malaking dagok ang mga ito sa pagpapanatili ng maayos na serbisyo at sistemang pangkalusugan sa bansa. Hindi nagbago at lumala pa nga ang malubhang kalagayan na ito sa ilalim ng halos tatlong taon ni Marcos sa poder, anito.
Ayon sa AHW, nagresulta ang mga kaayusang ito sa pigang-piga, demoralisado at pagod na pagod na mga manggagawa, kung saan marami ang umaalis sa trabaho o maagang nagreretiro. Hindi nararamdaman ng sektor ang pagpapahalaga sa kanila ng estado dahil sa mababang sahod, hindi nababayarang mga benepisyo, kawalan ng seguridad sa trabaho, at hindi ligtas na lugar ng trabaho.
Nagpahayag rin ng kanilang pagbati at pagkilala sa mga manggagawang pangkalusugan ang Health Workers Party-list.