Balita

NCIP, tinraydor ang mamamayan sa Itogon, Benguet

,

Mahigpit na kinundena ng mga residente ng Itogon sa ilalim ng Itogon Interbarangay Alliance (IIA) ang kamakailang paggagawad ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ng Certification of Precondition (CP) para sa Application for Production Sharing Agreement 103 (APSA 103) ng Itogon-Suyoc Resources Inc (ISRI).

“Seryosong binalewala ng desisyong ito ang mga boses at usapin na iniharap ng mga komunidad na malaon nang nagpahayag ng kanilang oposisyon sa proyekto,” ayon sa alyansa. Apektado ng proyekto ang mga barangay ng Virac, Poblacion, at Ampucao, laluna ang Sityo Dalicno, sa Itogon, Benguet. Pahihintulutan ng APSA 103, oras na makuha ito ng kumpanya, ang pagmina ng 22 milyong tonelada ng gold-bearing ore sa loob ng 25 taon.

Ayon sa alyansa, hindi ginalang ng desisyon ang prinsipyo ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC).

“Ang mga konsultasyong isinagawa ay di sapat at bigong tugunan ang lehitimong pagkabahala kaugnay sa pinsalang dala ng proyekto sa kapaligiran, pagkawala ng kabuhayan at lupang ninuno,” ayon sa IIA. Katunayan, paulit-ulit nang itinakwil ng mga taga-Itogon ang pagpasok ng mina dahil magdudulot ito ng polusyon na maaaring magkontamina sa kanilang kailogan at sasaklawin nito ang kanilang mga lupang ninuno na pinagkukunan nila ng kabuhayan.

Binatikos ng alyansa ang NCIP at mga kasapakat nito sa mapanlinlang nitong mga taktika, na kunwa’y kinukuha ang pusisyon at nakikinig sa mga hinaing ng mga residente, laluna ng mga taga-Dalicno, habang sa likod nila’y ibinebenta na ang kanilang mga karapatan sa lupa.

Ang ISRI ay buong pagmamay-ari ng Apex Mining ni Enrique Razon, isa sa pinakamalaking burges kumprador sa bansa. Liban sa ISRI, pagmamay-ari rin nito ang Maco Gold Mine sa Davao de Oro kung saan naganap ang pagguho ng lupa noong Pebrero na ikinasawi ng 68 katao.

AB: NCIP, tinraydor ang mamamayan sa Itogon, Benguet