Balita

Ombudsman, kinalampag ng KBKK para panagutin si Marcos sa katiwalian

Sinugod at kinalampag ng People Surge, grupo ng mga nakaligtas sa sakuna, at iba pang organisasyong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang Office of the Ombudsman sa Maynila noong Nobyembre 7. Iginiit nila sa ahensya ang pagpapanagot kay Ferdinand Marcos Jr sa kanyang sentral na tungkulin sa malawakang katiwalian sa imprastruktura at mga proyektong flood control ng gubyerno, at pagpapahintulot sa dayuhang malawakang operasyong mina na nagdudulot ng pagbaha.

Nakipaggitgitan ang mga raliyista sa mga pulis para maidaos ang programa sa mismong geyt ng Ombudsman. Hindi nagpatinag ang KBKK sa karahasan at brutalidad ng mga pulis na ipinagtatanggol ang rehimeng Marcos at mga kinakatawan nitong burukratang kapitalista at mga tiwaling pulitiko.

Ayon sa mga grupo, malaki ang pananagutan ni Marcos dahil ang kanyang upisina ang nangasiwa at nanguna sa pagbubuo at pagpipinal sa pambansang badyet na ginawang palabigasan ng mga burukrata. Sa pagitan ng 2022 at 2025, naglaan si Marcos ng ₱545 bilyon para sa 9,855 proyektong pang-flood control. Lampas 6,000 sa mga ito ang nabunyag na palpak, pag-uulit ng dating proyekto at di kumpleto.

Noong Oktubre, isiniwalat sa Kongreso ni Rep. Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Party-list, na di bababa sa 3,700 dagdag na proyekto na nagkakahalaga ng ₱214.4 bilyon ang inaprubahan ni Marcos mismo at pinondohan mula sa hawak niyang pondong UA noong 2023-2025.

Batay sa upisyal na datos ng estado mismo, inilaan ni Marcos sa DPWH ang ₱61.4 bilyon ng UA noong 2023 para sa 1,889 proyekto at ₱153 bilyon noong 2024 para sa 1,811 proyekto. Ang pinakamalaking bahagi o ₱141 bilyon ay para sa mga proyektong flood control, habang ang natitira ay para sa pagkumpuni ng mga kalsada at mga multi-purpose na gusali. Karamihan sa mga tinustusan ng pondong UA ni Marcos ay matatagpuan sa mga rehiyon ng Central Luzon at Calabarzon, at sa Cebu, mga lugar na sentro ng imbestigasyon dahil sa mga palpak at ghost na proyekto.

Bago nito, nabunyag na rin sa pamamagitan ng espesyal na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na tumanggap si Marcos ng ₱21 milyon mula sa dalawang kontraktor bilang kontribusyon sa kanyang kandidatura noong 2022, labag sa mga tuntunin ng reaksyunaryong eleksyon.

“Natataon na anibersaryo ng Yolanda bukas, isang paalala na hindi pa natututo ang ating gubyerno at patuloy pa rin ninanakawan ang taumbayan at nilulunod sa putik at baha,” pahayag ni Mimi Doringo, tagapagsalita ng People Surge National Alliance of Disaster Survivors at pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Ayon kay Doringo, na nakaligtas sa Bagyong Ondoy noong 2009, ang kailangan ngayon ng mga Pilipino ay kongkretong aksyon, kumpensasyon, at mawakasan na ang pamumuno ng mga nakaupong milyonaryo’t bilyonaryo na mga korap.

Dumalo rin sa protesta ang mga magsasaka na lubhang apektado ang buhay at kabuhayan sa malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha. “Pinakamalaking sakuna para sa mga magsasaka ay hindi lang bagyo, kundi ang katiwalian sa mga proyektong dapat tumulong sa kanila,” pahayag ni Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Dagdag ni Manalo, “Lugi nanaman ang mga magsasaka. Kasabay ng pag-anud ng aming mga taniman at inaalagaang hayop, ay ang aming kita na mula sa utang.” Binatikos ng KMP ang walang silbi at pinagmumulan ng korapsyon sa kanayunan na mga farm-to-market road. “Mas naging road-to-farm ng mga kurap!” ayon kay Manalo.

Samantala, kinundena ng Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE) ang pagwasak ng rehimeng Marcos sa kalikasan na nagpapalubha ng pagbaha sa bansa. “Ang matinding baha at pagkawasak ng kabahayan at kabuhayan sa Negros at Cebu ay nakaugat sa pandarambong ng kalikasan, mas pinalala lang ng kurapsyon ang pinsala nito,” pahayag ni Cathleen De Guzman ng Kalikasan PNE.

Dagdag niya, ang mahihirap ang nagdurusa sa pinsala ng pandarambong ng mga dayuhan at mga burukratang kapitalista sa kalikasan. “Habang nagpapayaman ang mga dayuhan at ang kanilang kasosyong politiko, ang mahihirap ang nagbabayad pinsala dito,” aniya.

Higit 100 araw na mula nang nagsimula ang imbestigasyon sa katiwalian partikular sa mga proyektong flood control ngunit wala pa ring napapanagot at nakukulong. Ayon kay Niña Fegi ng KBKK, “kaya hanggat walang nakukulong, nararapat lang ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayang pilipino, pagkalampag ng hustisya sa mga biktima ng sakuna at ang daan-daang pilipino na biktima ng kahirapan dulot ng korapsyon.”

Sa darating na Nobyembre 30, pamumunuan ng KBKK ang isang dambuhalang protestang bayan kontra kurakot sa Luneta Park sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

Liban sa People Surge, Kadamay, KMP at Kalikasan, myembro ng KBKK ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA), Panatang Luntian, Movement Against Tyranny, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bunyog Pagkakaisa, Greenpeace Philippines, Seniors Kontra Kurakot, Social Workers Against Corruption, One Nation One Voice One Church, United People Against Corruption (UPAC), Working People Against Corruption, UP Diliman University Student Council, PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral, Gabriela, Babae para sa Inang Bayan, San Pablo Ayaw sa Korapsyon (Sapak), Hiphop United, Health Alliance for Democracy, at Koalisyong Makabayan.

AB: Ombudsman, kinalampag ng KBKK para panagutin si Marcos sa katiwalian