Pagbayarin ang China sa pinsala nito sa West PH Sea, giit ng mga mangingisda kay Marcos

, ,

Iginiit ngayong araw ng mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na dapat pagbayarin ang bansang China sa napakalaking pagpinsala nito sa West Philippine Sea sa halip na dumulog na naman ng karagdagang mga pautang. Anila, dapat dalhin ang usaping ito ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang pagbisita sa China mula Enero 4 hanggang 6.

Ayon kay Ka Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng grupo, “Hindi dapat palampasin ni Marcos Jr. ang kanyang pagbisita sa China para igiit at itaguyod ang ating karapatan sa West Philippine Sea.” Hinamon niya si Marcos Jr na “harapang ipatigil kay Chinese President Xi Jinping ang intimidasyon na idinudulot ng presensya ng mga milisyang Chinese at malalaking barkong pangisda nito sa mga Pilipinong mangingisda.”

Noong Hulyo 2021, iniulat ng Pamalakaya na naapektuhan ng pandarambong at pagwasak ng China sa rekursong dagat at kalikasan sa West Philippine Sea ang kabuhayan ng hindi bababa sa 600,000 mangingisdang Pilipino. Liban dito, direktang apektado rin ang mga mangingisda ng pananakot at panggigipit ng mga barkong pangisda mula China at mismong armadong pwersa ng gubyerno nito.

Kabilang dito ang insidente noong Hunyo 2019 kung saan sinagasaan ng isang sasakyang pandagat ng China ang F/B Gem-Ver1, isang sasakyang pandagat na Pilipino, na naglululan ng 22 mangingisdang Pilipino sa Recto Bank. Pinabayaan ng China ang mga Pilipinong magpalutang-lutang sa dagat matapos ang insidente. Malamya at walang tikas ang naging aksyon ng gubyernong Duterte kaugnay ng insidente.

Samantala, batay sa pag-aaral ng mga marine scientist ng University of the Philippines, responsable ang China sa pagkasira ng 550 ektarya ng bahura (coral reefs) sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal), at 1,300 ektarya sa Kalayaan Group of Islands dahil sa malawakang reklamasyon at iba pang mapanirang porma ng pangingisda nito. Nagkakahalaga ang nasirang mga bahura ng ₱33.1 bilyon kada taon, na kung susumahin mula nang okupahin ng China ang Panatag Shoal noong 2012 hanggang sa kasalukuyan ay aabot sa ₱331 bilyon.

Sa darating na Hulyo 12, 2023 ay mamarkahan ng Pilipinas ang ika-7 taon ng pagkatig ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa karapatan ng Pilipinas laban sa China sa West Philippine Sea.

Dayuhang pangungutang

Ayon din kay Hicap, “hindi dapat isaisantabi ni Marcos Jr ang mahalagang usaping ito para lamang makakuha ng dayuhang puhunan at pautang mula sa China.” Aniya, naniniwala ang mga mangingisda na mas malaki ang magiging pakinabang ng Pilipinas kung mapagbabayad ang China sa pinsalang ginawa nito sa karagatan ng bansa, kumpara sa ipagkakaloob nitong dayuhang pautang at puhunan sa bansa.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, inaasahang magkakaroon ng 10 hanggang 14 na kasunduan ang gubyerno ng China at Pilipinas sa mga usaping may kaugnayan sa “palitan at pamumuhunan, agrikultura, renewable energy, imprastruktura, kooperasyon sa pagpapaunlad, ugnayan ng mamamayan at seguridad pandagat.”

Kabilang sa mga ito ang mga proyektong imprastruktura na uutangin sa China tulad ng irigasyong pinatatakbo ng enerhiyang solar, ang naunsyaming bilyong pisong Philippine National Railway Bicol Project at ₱83-bilyong Mindanao Railway Project. Ang mga ito ay mga proyektong ipinagmayabang ng noo’y presidente na si Rodrigo Duterte nang maupo siya sa poder noong 2016.

Ayon sa ulat, kasa-kasama ni Marcos Jr ang hindi bababa sa 80 malalaking negosyante sa pagpunta sa China. Lalahok din sa pagpupulong ang kanyang mga neoliberal na ekonomista. Kasama din niya si Gloria Macapagal Arroyo, reyna ng NBN-ZTE deal scandal.

AB: Pagbayarin ang China sa pinsala nito sa West PH Sea, giit ng mga mangingisda kay Marcos