Balita

Paglilipat ng "hindi nagastos" na pondo ng PhilHealth sa national treasury, pansamantalang ipinahinto

,

Ikinalugod ng partidong Bayan Muna ang paglalabas ng Supreme Court En Banc ng temporary restraining order (TRO) noong Oktubre 29 sa paglilipat ng “hindi nagastos” na ₱89.9 bilyong pondo ng PhilHealth pabalik sa national treasury o pambansang kabang-yaman ng bansa. Isa ang Bayan Muna sa tatlong nagpetisyon para kwestyunin ang hakbang ng PhilHealth at itulak ang pagpapatigil ng paglipat ng pondo.

Ayon sa mga nagpetisyon, hindi nararapat na ibalik ang sobrang pondo ng isang government-owned and controlled corporation tulad ng PhilHealth sa national treasury para pondohan ang “unprogrammed appropriations” ng rehimeng Marcos. Hinati ang naturang “‘di nagastos” na pondo sa apat na bigayan, at tatlo nito ay naibalik na noong Mayo 10 (₱20 bilyon), Agosto 21 (₱10 bilyon) at Oktubre 16 (₱30 bilyon). Nasa ₱29.9 bilyon na lamang ang hindi nailipat ng PhilHealth na nakatakda sanang ibalik sa Nobyembre 11.

“Ang TRO ay isang mahalagang tagumpay para sa mamamayang Pilipino, laluna para sa mga benepisyaryo ng PhilHealth na nakasalalay sa pondong ito para sa kanilang pangangailangang pangkalusugan,” pahayag ni Atty. Neri Colmenares, unang nominado ng Bayan Muna. Aniya, napigilan ng desisyon ng korte ang isang malaking inhustisya dahil lubhang isinasapanganib ng paglilipat ng pondo ang benepisyo ng napakaraming Pilipinong nakasalalay sa PhilHealth para sa serbisyong pangkalusugan.

Kaisa rin ang mga manggagawang pangkalusugan sa pagkilala sa naging desisyon ng korte. Ayon kay Nars Alyn Andamo, pangkalahatang kalihim ng Filipino Nurses United at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, isa itong positibong hakbang para sa kanilang mga nars at manggagawang pangkalusugan.

Aniya, “ang TRO na inilabas ay isang pagkakataon para pag-aralan ang pananagutan ng PhilHealth sa pangangasiwa ng kaban ng bayan na inilaan para sa kalusugan.” Nanindigan rin si Nars Andamo na ang pondo ng PhilHealth ay dapat direktang ilaan sa mga pampublikong ospital at mga pasilidad para makatamasa ang taumbayan ng libreng serbisyong pangkalusugan.

Samantala, nanawagan ang Bayan Muna na dapat ibalik sa PhilHealth ang pondong hindi pa nagagastos na inilipat na sa national treasury. Mananatili rin sila umanong mapagbantay sa magiging usad ng kaso at patuloy na ipagtatanggol ang karapatan at kagalingan ng mga Pilipino.

AB: Paglilipat ng "hindi nagastos" na pondo ng PhilHealth sa national treasury, pansamantalang ipinahinto