Pagpapalabas ng pelikula, pulong pag-aaral, pakikiisa kontra Operation Kagaar sa Southern Tagalog
Naglunsad ng iba’t-ibang tipo ng aktibidad ang mga kasapi ng Partido at mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Tagalog (Melito Glor Command) noong Hulyo bilang bahagi ng Buwan ng Pakikiisa sa mamamayang Indian laban sa Operation Kagaar. Pagtugon ito ng rebolusyonaryong pwersa ng Southern Tagalog sa panawagan ng Komite Sentral na pagsuporta sa mamamayang Indian noong Hunyo 20-Hulyo 20.
Ang Operation Kagaar ay kampanyang militar na ipinatutupad ng reaksyunaryong sentral at pang-estado na gubyerno ng India. Sinimulan itong ipatupad noong Enero sa bahagi ng Central India laban sa armadong pakikibaka na pinamumunuan ng CPI (Maoist). Bahagi ito ng mas masaklaw pang operasyong kontra-insurhensya na Operation SAMADHAN-Prahar na sinimulan noong 2017.
Sa ulat ng Kalatas, pahayagan ng rebolusyonaryong mamamayan sa Southern Tagalog, sa isyu nito noong Hulyo, nagpalabas ng isang dokumentaryo tungkol sa mga gerilyang armadong pwersa ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA) sa India ang isang platun ng BHB. Ginamit nila ang pelikula para ipakilala sa mga kasama ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Indian.
Matapos ang dokumentaryo, itinanong ng katutubong Pulang mandirigma na si Ka Leo kung mga NPA din ang nasa India. Paliwanag ng instruktor sa pulitika ng platun na ang mga mandirigma sa India ay mga myembro ng Peoples Liberation guerilla Army o PLGA, hindi ng NPA. “Pero katulad nga natin sila.” ani instruktor. ‘Sila’y mga magsasaka, katutubo at kababaihang nag-armas para ipagtanggol ang kanilang lupa mula sa mga dayuhan. Pinamumunuan din sila ng isang partido komunista.”
Liban sa pelikula, nagsagawa rin ang BHB-Southern Tagalog ng anim na serye ng pag-aaral at mga kulturang aktibidad tungkol sa rebolusyong Indian, ayon sa Kalatas. Kasama rito ang pag-aaral sa memorandum at praymer tungkol sa Operation Kagaar na inilabas ng Partido.
Tinalakay din ng mga mandirigma ang artikulo ng Ang Bayan noong Pebrero hinggil sa matagumpay na opensiba ng PLGA laban sa mga armadong pwersa ng estadong Indian na nagresulta sa pagkamatay ng 35 berdugo at 40 naman ang malubhang nasugatan. Bilib na bilib ang mga Pulang mandirigma at nagsilbi itong inspirasyon sa kanilang pagpupunyagi sa armadong pakikibaka.
Naglabas rin ng mga pahayag ng pakikiisa ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippnes mula sa mga prubinsya ng Southern Tagalog. Gumawa rin sila ng poster na naglalarawan sa pagkakaisa ng rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas at India.
“Kagayang-kagaya sa Pilipinas ang kalagayan ng lipunan. Maging ang gawain ng PLGA ay tulad ng sa atin,” obserbasyon ng mga kasama sa isa pang platun ng hukbong bayan. Kasunod nito, ipinaliwanag ng mga Pulang mandirigma ang natutunan tungkol sa rebolusyong Indian sa mga talakayan sa masang magsasaka at katutubo.