Pagpaslang sa 2 tauhan ng NDF-Negros, kinundena ng grupo sa karapatang-tao sa Asia Pacific
Nanawagan ng hustisya ang Asia Pacific Coalition for Human Rights in the Philippines (APCHRP) sa pagpaslang ng mga berdugo ng rehimeng US-Marcos sa dalawang personahe ng National Democratic Front (NDF)-Negros isang buwan na ang nakalilipas. Ayon sa kanila, ang mga pagpaslang ay “mabibigat na paglabag sa internasyunal na makataong batas” na dapat batikusin ng mga nagtatuyod sa karapatang-tao.
Matatandaan na kinumpirma ng NDF-Negros sa isang pahayag na mga sibilyang tauhan nila ang mga biktimang sina Nonoy Ponteras (Ka Jojo), 48 taong gulang at nangungunang upisyal ng grupo, at Marisa Pobresa (Ka Kim), 23, isa sa tagapangasiwa ng panrehiyong tanggapan. Kabilang sa tungkulin ng dalawa ang makipagkonsultasyon sa mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid, at iba’t ibang maralita at aping sektor sa isla upang tulungan silang bigyang-boses ang kanilang mga daing at isulong ang kanilang mga pakikibaka.
Sa salaysay ng pangyayari, noong Marso 7 ng gabi ay dinukot ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) at mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawa sa isang bahay sa banda sa Bacolod City. Pwersahan silang isinakay sa isang van at dinala sa hindi natukoy na lugar, kung saan sila tuluyang pinaslang.
Ang bangkay ng dalawa ay dinala ng mga berdugo ni Marcos sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Noong Marso 8, nagpakalat ng kasinungalingan ang tagapagsalita ng militar na napatay diumano ang dalawa sa isang engkwentro lagpas ala-una ng umaga sa pagitan ng 79th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island. Pinabulaanan ito ng BHB na nagsabing walang yunit ng BHB sa lugar at mga oras na iyon.
Ayon sa APCHRP, ang pagpaslang sa dalawa ay hindi lamang paglabag sa internasyunal na makataong batas kundi tahasang pagyurak sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), kasunduang pinirmahan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP.
“Sa halip na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas, pinipili ng rehimeng US-Marcos na maglunsad ng walang pakundangan at hindi makataong gerang kontra-insurhensya na tumatarget kahit sa hindi armadong mga sibilyan,” pahayag pa ng APCHRP. Dagdag nila, maraming kaso na silang naobserbahan sa nakaraan na binbiktima nito kahit ang mga ordinaryong mamamayan sa mga aerial bombing at pag-atake sa sibilyang komunidad.
Malinaw umanong ipinakikita ng karahasang ito ng rehimen ang kawalan ng intensyon na ipagpatuloy ang naunsyaming usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. “At mas gusto pa nilang makita ang pagkawala ng marami pang buhay sa kanilang walang kabuluhang kampanyang kontra-insurhensya,” ayon sa grupo.
Ang APCHRP, bilang bahagi ng International Coalition for Human Rights in the Philippines, ay kabilang sa mga nagtulak at sumuporta sa Internasyunal na Tribunal ng Mamamayan Laban sa Mga Krimen ng Digmaan sa Pilipinas na inilunsad noong Mayo 2024 sa Brussels, Belgium. Hinatulan ng tribunal na maysala sa lahat ng mga paratang ng krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas sina Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, Pangulong Joseph R. Biden, at ang Gubyerno ng United States.
Napatunayan sa tribunal na ang mga operasyong kontra-insurhensya ng GRP ay kinatatangian ng paulit-ulit na pag-atake laban sa mga sibilyan, ekstra-hudisyal na pagpatay, walang habas na pambobomba, pwersahang pagpapalikas, at iba pang paglabag. Lumabas din na ang GRP ay nagsagawa ng tahasang pagpatay, karahasan sa personal na dignidad, at walang respetong pagtrato sa mga nahuli o nasugatang mandirigma.
Napatunayan rin na ang mga indibidwal at organisasyon na pinaghihinalaang may kaugnayan sa NDFP ay inuusig sa pamamagitan ng mga pagdukot, enforced disappearances, arbitraryong pag-aresto, at sa ilang kaso ay pagpatay o likidasyon. Huli rito, natukoy din ang pananagutan ng US sa mga paglabag na ito dahil sa pagbibigay ng dambuhalang suporta sa GRP sa anyo ng padirihe sa mga operasyon, pagsasanay at pag-aarmas sa AFP at PNP sa pagpapatupad ng kampanyang kontra-insurhensiya.