Pagtatalaga sa kalihim ng DoH bilang presidente ng World Health Assembly, tinutulan
Nagpahayag ng pagtutol ang Health Alliance for Democracy (HEAD) sa pagtatalaga kay Teodoro Herbosa, kalihim ng Department of Health (DoH) ng Pilipinas, bilang pangulo ng ika-78 na World Health Assembly (WHA). Isinagawa ang asembleya noong Mayo 19 hanggang Mayo 27 sa Geneva, Switzerland.
Ang WHA ay ang pangunahing institusyon ng pagpapasya ng World Health Organization (WHO) na binubuo ng 194 myembrong estado. Responsable ang WHO, ahensya ng United Nations, sa pagtaguyod at koordinasyon ng pandaigdigang pampublikong kalusugan, kabilang ang pagtatakda ng mga internasyonal na pamantayan sa kalusugan, pagbibigay ng teknikal na tulong sa mga bansa, at iba pang katulad na gawain.
Ayon sa HEAD, hindi karapat-dapat sa pusisyon si Herbosa dahil ang kailangan ng WHA ay isang lider na may malasakit sa serbisyo at mamamayan at napatunayang nagtataguyod sa karapatan sa kalusugan. “Hindi [iyong] magiging kasangkapan ng malalaking interes ng negosyo,” anang grupo.
Naniniwala ang grupo na isusulong ni Herbosa ang mga pandaigdigang patakaran sa kalusugan patungo sa higit pang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan na kapinsalaan ng mga mahihirap sa buong mundo.
Anang grupo, posibleng malagay sa panganib ang reputasyon at misyon ng WHA kung ang uupong kalihim ng kalusugan ay isang upisyal na malawakang kinundena sa sariling bansa dahil sa pagpapatupad ng mga programang laban sa mamamayan at mga manggagawa sa kalusugan, pati na rin sa mga hindi etikal na pahayag at kilos.
Si Herbosa, mula nang maupo bilang kalihim ng DoH ng Pilipinas noong Hunyo 2023, ay kumaharap sa pambabatikos dahil sa kanyang palyadong mga patakarang pangkalusugan at kawalang aksyon sa hinaing ng mga manggagawang pangkalusugan.
“Sa Pilipinas, pinangungunahan ni Dr. Herbosa ang pagpapatupad ng mga patakarang maka-imperyalista at maka-malalaking negosyo ni Marcos Jr,” ayon sa HEAD. Tagapagtaguyod ang kalihim ng komersyalisasyon, pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan, at pagbawas sa badyet sa kalusugan, anito.
Inaprubahan at inirekomenda ni Herbosa sa DoH ang pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center (POC), Dr. Jose Fabella Medical Center, at iba pang mga pampublikong ospital noong 2013 at 2014. Malawakang itong tinutulan at pinigilan ng mga protesta ng mamamayan. Humarap din siya sa isang reklamo sa Ombudsman noong 2016 dahil sa graft kasama ang iba pang mga upisyal sa kalusugan kaugnay ng maanomalyang pagbili ng kagamitan para sa sa ₱392.2-milyong modernization program ng Region 1 Medical Center.
Nagsilbi rin siyang tagapayo ng Inter Agency Task Force ng administrasyong Duterte noong pandemyang Covid-19 na nagpapatupad ng hindi epektibo at militarisadong tugon sa pandemya. Dagdag pa ng grupo, minamaliit niya ang mga suliranin at sakripisyo ng mga manggagawang pangkalusugan. Sangkot din siya sa Red-tagging sa mga lider-masa ng bansa.
Nanawagan ang HEAD sa lahat ng manggagawang pangkalusugan, tagapagtanggol ng kalusugan, at mga mamamayan sa buong mundo na ipaglaban ang karapatan sa kalusugan. “Huwag nating pahintulutan ang patuloy na pribatisasyon at dominasyon ng malalaking interes ng negosyo sa kalusugan na itinataguyod ng mga tulad ni Dr. Herbosa,” anito.