Pagtatanggal sa PKP, BHB at NDFP sa mga listahan ng "teroristang organisasyon", itinutulak
Suportado ng International League of Peoples’ Struggles ang mga pagsisikap na ipatanggal ang Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front of the Philippines, gayundin, ang mga rebolusyonaryo at mapagpalayang kilusan sa Turkey, Palestine, Kurdistan at Manipur, sa mga listahan ng “teroristang organisasyon” ng US at iba’t ibang bansa. Ipinasa ng International Coordinating Committee (ICC) ng liga ang isang resolusyon kaugnay dito sa pagpupulong nito na ginanap sa Phuket, Thailand noong Setyembre 26 at 27.
“(D)alawampung taon na ang nakalilipas mula nang ilunsad ang “gera kontra-terorismo” na pinangunahan ng US na ginamit para bigyang-katwiran ang mga gerang agresyon,” anang resolusyon.
Pinuna nito kung paanong patuloy na ginagamit ng US, mga alyado nito at mga papet nitong estado ang “gera kontra-terorismo” para bigyan-katwiran ang mga atake laban sa mga progresibo at rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” saad nito.
Sinuportahan ng resolusyon ang mga kampanya laban teroristang designasyon o labeling sa mga progresibong grupo at mga pambansang mapagpalayang kilusan.
Tinukoy ng resolusyon ang pagdeklara ng gubyerno ng Pilipinas na terorista sina Jose Maria Sison, chair emeritus ng ILPS; Rey Casambre, myembro ng ILPS Commission 4; at Luis Jalandoni at iba pang mga konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan.
Binanggit din nito ang iligal na pagharang ng gubyerno ng Pilipnas sa website ng ILPS, sa mga website ni Prof. Sison at ibang mga rebolusyonaryong organisasyon, gayundin ng ilang midya at progresibong organisasyon, sa alegasyong “sumusuporta” ang mga ito sa terorismo.
Isa pa ang pagsasampa ng kaso laban sa Rural Missionaries of the Philippines at mga myembro nito na kunwa’y “nagpopondo sa terorismo.”
Kasabay ng mga kaso sa Pilipinas ang katulad na mga panggigipit sa Palestine, gaya ng pagdedeklara ng pasistang estado ng Israel na “terorista” ang anim na Palestinong NGO.
Binanggit ng resolusyon na una nang sinuportahan ng ILPS ICC ang isang resolusyong nanawagan para sa pagtatanggal sa Kurdistang Workers Party o PKK sa listahan ng European Union ng mga “teroristang organisasyon.” Ang resolusyong ito ay pirmado ng mga partido, dating myembro ng EU, iba’t ibang organisasyon at indibidwal at organisasyon mula sa Europe, Asia at US.
Tungo rito, handa ang ILPS na sumuporta sa mga kampanya para sa delisting ng mga progresibo at rebolusyonaryong mga organisasyon at indibidwal, at ilantad at labanan ang imperyalistang adyenda sa kunwa’y “gera kontra-terorismo.” Handa ito magsagawa ng kampanyang edukasyon kaugnay sa kalikasan at makasaysayang mga batayan ng mga pambansang mapaglayang kilusan, upang patunayan na ang mga ito ay hindi mga teroristang organisasyon.
Sa partikular, suportado nito ang petisyon para i-delist ang NDFP at si Luis Jalandoni mula sa listahan ng Pilipinas bilang mga teroristang organisasyon. Walang batayang idineklara ng Anti-Terror Council ng Pilipinas si Jalandoni, kasama sina Simon Naugsan, Maria Luisa Purcray, at tatlo pang iba na mga “terorista” noong nakaraang Mayo. (Isinapubliko ang dokumento noong Hunyo.)
Maaring pirmahan ang petisyon para sa pagtatanggol kay Luis Jalandoni dito: https://www.change.org/p/louie-jalandoni-a-man-of-peace-not-a-terrorist