Balita

Pagtutol sa Hydro-power Dam sa Apayao, nagpapatuloy

,

Muling nanawagan ang Save Apayao Peoples Organization (SAPO) sa pagbasura sa planong pagtatayo ng Hydro-power dam na Gened 1 sa ilog ng Apayao-Abulog sa Kabugao, Apayao. Anito, banta ang proyekto sa lupang ninuno, kultura at kaligtasan ng komunidad ng mga katutubo.

Plano ng kumpanyang Pan Pacific Renewable Power Phils. Corp. na magtayo ng pitong imbakan ng tubig at isang pump storage facility sa prubinsya. Ang dam ay isa lamang sa walong proyektong hydropower na balak itayo sa naturang ilog.

Sa pananaliksik ng Cordillera Peoples Alliance and Aliansa dagiti Pesante iti Kordiliera (Apit Tako), kapag natuloy ang Gened 1, tiyak na lulubog ang mga komunidad. Kabilang dito ang barangay Poblacion, Nacagman, Waga, Bulu at Madduang ng Kabugao at malaking bahagi ng Santa Marcela, Flora, Pudtol at Luna sa Apayao. Maapektuhan din ang ilang kalapit na bayan sa Cagayan. Masisira ang ilog at kagubatan. Banta ang proyekto sa kabuhayan ng mga residente.

Kinundena ng grupo ang pagbibigay ng permit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kumpanya para magputol ng mga puno. Wala ring sapat at maayos na konsultasyon ang kumpanya sa komunidad. Anito, isang mapanganib ito na halimbawa sa patuloy na pagkasira ng lupaing ninuno at ekosistema.

May mga ulat din mula sa komunidad na kumikilos na sa karatig-bayan ng Pudtol ang mga tauhan ng kumpanya dahil sa malakas na pagkontra ng komunidad ng Kabugao sa dam. May mga impormasyon din na nagsimula nang magdeploy ang kumpanya ng mga makinarya sa mga barangay ng Pudtol, malapit sa hanggangan ng Kabugao.

Nananawagan ang SAPO sa mga residente ng Pudtol na labanan ang proyektong dam at ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno. Anito, ang pagprotekta sa lupain ang pagkamit ng hustisya at paggalang sa henerasyon ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.

AB: Pagtutol sa Hydro-power Dam sa Apayao, nagpapatuloy