Pamamahagi ng alawans ng mga manggagawang pangkalusugan, muling iginiit
Naglunsad ng noise barrage at protesta ang mga manggagawang pangkalusugan mula sa apat na mayor na ospital noong Enero 28 upang ipanawagan ang pamamahagi ng matagal nang utang ng gubyerno na medical allowance sa taong 2025 at 2026.Kasama sa mga nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan ngPhilippine Heart Center (PHC), National Kidney Transplant Institute (NKTI), Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at Lung Center of the Philippines (LCP). Nagkakahalaga ng P7,000 ang medikal alawans.
Kabilang din sa ipinananawagan ng mga manggagawang pangkalusugan ang P36,000 na paunang sahod o “entry level” para sa mga manggagawa, P50,000 na paunang sahod para sa mga nars at iba pang prospesyunal na pangkalusugan, seguridad sa trabaho at malawakang pag-empleyo ng regular na manggagawang pangkalusugan upang matugunan ang kronikong kawalan ng istap sa mga pampublikong ospital.
“Habang patuloy kaming nagbibigay ng dekalidad na pangangalaga sa mga pasyente, patuloy na binabalewala ng pamunahan ng ospital ang aming lehitimong mga kahilingan. Hindi dapat mapilitan ang mga manggagagawang pangkalusugan na magprotesta para lamang makuha ang nararapat para sa amin. Ang alawans na ito ay hindi pribilehiyo, ito ay benepisyo na nakuha ng mga manggagagawang pangkalusugan at iba pang empleyado ng gubyerno dahil sa kanilang ilang taon na pagbibigay ng serbisyo,” paliwanag ni Jocelyn Guinto, presidente ng NKTI-Alliance of Health Workers (AHW).
Ang protesta, ay ikatlong kolektibong pakilos na inilunsad ng mga manggagawang pangkalusugan mula sa mga ospital na kontrolado at pagmamay-ari ng gubyerno. Sa kabila nito, nanatiling kimi ang managament at walang tugon sa kanilang hinaing,
Palusot ng management ng GOCC (Government owned and controlled) na ospital, saklaw na ng Magna Carta of Public Health Workers ang benepisyo na kanilang nakukuha kabilang ang pagpapagamot at serbisyo, kaya’t hindi na sila kailang bigyan pa sila ng alawans, sa ilalim ng Executive order no. 64.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), ang mga apektadong manggagawang pangkalusugan ay maaring mag-apila hinggil sa pagkakait ng kanilang benepisyo sa board of trustees ng mga ospital. Ito ang may awtoridad na magdesisyon sa usapin ayon sa batas, anito,
Giit ng mga manggagawang pangkalusugan, wala ng dahilang para mag-apila sa mas mataas na awtoridad dahil ang EO 64 ay inaprubahan ng presidente ng bansa. Anila, mas usapin ay kung bakit hindi pinatutupad ng DOH at management ng GOCC ang probinsyon, samantalang malinaw na isinasaad nito na kabilang sila sa dapat makatanggap ng benepisyo.
“Sa aming kaso sa PCMC, bukod sa hindi nila ibinigay ang aming alawans para sa 2025, kahit ang aming insentiba ayon sa Collective Negotiations Agreement (CNA) na ₱30,000 para sa parehong taon ay hindi pa rin nailalabas, dahil umano sa kakulangan ng pondo. Lagi na lang ba ganito?” pahayag ni Douglas Tagapulot, nars at presidente ng PCMC Employees Association-AHW. Binatikos nya ang sinasabing walang pondo ang gubyerno, pero bilyun-bilyon ang nawawala dahil sa korapsyon.
Aniya, naibigay na ang alawans ng ibang manggagawa mula sa ibang ospital at sibilyan na ahensya para sa 2026, habang ang mga manggagawang pangkalusugan ay di pa nabibigyan ng alawans para sa 2025.
Nananawagan ang mga nagprotesta sa mga senador at kongresista na imbestigahan ang isyu na ito. Giit nila na dapat ibigay ang alawans sa porma ng pera sa halip na idaan sa sa iskemang HMO o insurans sa kalusugan. Dapat ibigay ang benepisyo nang buo at walang bawas. Kagyat na kailangan ng mga manggagawang pangkulusugan at iba pang empleyado ng gubyerno ang pera upang matugunan ang kanilang medikal at personal na pangangailangan, anila.